PEx Alert: Welcome to the new PinoyExchange. For access issues, bug reports and technical concerns, please email us at [email protected] Thank you!

Kalahating Oras (Original Short Story)

anima9anima9 I ignore idiots :) PExer
Gusto ko pong i-share yung latest work ko po. Feedback is always welcome! Paki move nalang po kung mali ang lugar.

======================================
Ano ba ang magagawa ng tatlumpung minuto sa buhay natin?

Summer time. Nagka outing kaming buong section sa resthouse ng classmate namin sa Laguna. Naisipan naming mag Enchanted Kingdom bago umuwi, dahil lahat kami ay maghahanap na ng trabaho pagkatapos ng linggong ito. Oo, graduate na kami. Apat na taon din ang ginugol namin bago kami makarating sa kung ano kami ngayon. Apat na taong puno ng saya at lungkot. Apat na taong paghihirap at ginhawa. Akalain mo nga naman, parang kailan lang, lahat kami pawang estranghero sa isa’t isa. Ngayon, huling pagkikita na namin. Buhay talaga, sa una lang masaklap. Pero sa huli, talagang aasamin natin ang pagkasaklap nito. Lalo na’t marami kang bagay na nasimulan, ngunit di mo natapos.

Sa loob ng apat na taong iyon, maraming nangyari na di mo aasahang mangyari. Tulad ko nalang, di ko ninais magmahal ng babae sa kolehiyo dahil itinuring ko ito bilang hadlang sa aking mga pangarap sa buhay. Nais ko munang umunlad, magpakatalino, magpakayaman. Sino ba ang ayaw maging magaling? Buong buhay-kolehiyo ko itong iniisip. Di ako sumasama sa mga gimik, sa mga party, at sa mga sleepovers na ginagawa ng section ko. Una, dahil wala akong bisyo. Pangalawa, dahil mas ginusto ko pang magaral nalang kaysa ubusin ko ang oras ko sa mga bagay na makakapagpa-engganyo lang sa akin ng sandali. Syempre, inisip ko ang long run ng buhay ko. Inisip ko na pag nagloko ako ngayong kolehiyo, baka masira ang mga pangarap ko. Matagal kong tiniis ang pagka-inggit sa mga ngiti ng mga kaklase ko tuwing lalabas sila. Matagal ko ring inasam na makita silang lasing kung talaga ngang nakakatawa ang mga pinaggagawa nila.

Sumali nalang ako sa outing ng section namin para naman maramdaman ko kung anu ang saya na nararamdaman nila. So far so good. Puro kami tawa at kwela buong outing. Hinayaan ko lang silang uminom samantalang ako nama’y pinanood silang mag-gaguhan habang lasing. Nakakatawa nga sila. Ilan beses din nila akong kinumbidang maki-inom na din. Tumanggi na lamang ako dahil di ako naniniwala sa sarap na dulot ng alak. At isa pa, madali akong ma-adik sa mga bagay-bagay na masarap. Natatakot naman akong lumaking lasenggo at malaki ang tyan.

“Guys baba na tayo! EeeKay na!”

“EeeKay! EeeKay! EeeKay! EeeKay!”

Nakarating na pala kami sa Enchanted Kingdom. Tagal ko nang di napunta dito. Huling apak ko sa lugar na ‘to 3rd year hayskul pa. Nakakamiss nga naman ang mga rides na talagang babaliktarin ang sikmura mo. Noon isang ride na nakakatakot lang ang sinakyan ko, yun ang Anchor’s Away. Nakakatakot ito para sakin dahilan sa may takot ako sa mga matataas na lugar at sa pakiramdam na nahuhulog. Pero ngayon, balak kong tapatan ang takot na nararamdaman ko at sasakyan ko, ng kahit isang beses man lang, ang lahat ng nakakatakot na ride dito. Susulitin ko na rin ang Ride-All-You-Can ng EK.

Nakalipas ang ilang oras, halos mawalan na ko hininga sa pagod na nararamdaman ko. Pagod sa kakahanap ng masasakyan, pagod sa kakapila, at higit sa lahat: Pagod sa kakasakay sa mga rides na talagang humuhugot ng sikmura. Pero masaya naman ako at nagawa ko ngang harapin ang takot ko. Dahil na rin siguro at kasama ko ang mga kaklase ko. Patapangan ba naman ang dating!

Inabot na kami ng gabi, talagang binalak naming magpagabi para naman makita namin ang fireworks display ng EK. Ewan ko lang sa inyo, pero di ko ito naabutan. Sabi nila korni daw, walang excitement. Sa akin naman, basta makita ko lang kahit isang beses lang masaya na ko. Minsan lang naman ako mapadpad dito, ba’t di ko pa lulubusin?

Biglang naisipan ng grupo na magsama-sama na ang mga mag-on. Ewan ko ba kung bakit nila naisip yun, Di naman karamihan ang magkarelasyon sa section namin. Sinabi ko ito sa kanila, kaya ang ginawa nalang ng class president namin: Pumunta sa bagong gawang Tunnel of Love at mag random pair-up doon. Maraming babae kaysa lalaki sa section namin. Ayos lang naman sa iba kung babae sa babae dahil magkakaibigan naman sila. Eh paanu kaming mga lalaki? siguro ayos lang sa mga guy classmates ko kung mag-pair up sila sa babae dahil lagi naman silang gumigimik. Eh ako?! mapupuno ng katahimikan ang bangkang sasakyan namin ng partner ko. Kung alam ko lang, di na sana ako nagsalita pa tungkol dito.

Napilitan na lamang akong pumila. Last day na nga naman namin bilang magkakaklase, bahala na lang kung anung kagaguhan ang maganap. Sana lang matino ang makasama ko.

Lahat naman ng nauna sa ‘kin ayos lang talaga na mag-partner sila. Sabi ng nga nauna, talaga daw maganda sa loob, 30 minutes daw yung isang pasada. Di mo iisiping ganoon pala kahaba ang byahe. Dahil na rin siguro para sa mga gustong magkaroon ng sariling oras, lalo na sa mga taong may mahal sa buhay. Talagang magiging sweet ang moments ng magkarelasyon sa loob.

Paanu naman yung hindi?! Paanu na’ko?!

Dumaan ang ilang sandali, at ako na pala ang susunod. Ilang beses nang dumaan sa isip ko na mag-backout sa kalokohang ako ang dahilan kung bakit nangyayari. May harang pala sa bawat pares so talagang di mo malalaman kung sino ang kasama mo hangga’t di ka nakapila sa mismong pasukan. Nabigla na lamang ako sa naging partner ko.

“Anna…!” Napatingin ako sa babaeng sasamahan ko.

“Robert?!” Ganun din sya sa akin.

“Ikaw partner ko?” Tanong ko sa kanya

“Ha? Ewan…!” Sagot nya.

“Uuuuuuuy! yikeeeee hahahah!” sabay tukso ng mga kaklase ko.

Pareho naming ayaw tumuloy. Dahil na rin siguro sa di kami naguusap kung di naman kailangang magusap. Di rin kami nagpapansinan. Tatlong taon akong asar na asar sa kanya. Marahil nagtataka kayo: “Paanu yung isang taon?” Isang taon lang naiba ang pananaw ko sa kanya. Isang araw ko ring ginawang ***** ang sarili ko dahil sa ginawa ko para sa kanya.

“BILISAN NYO NGA! AMBAGAL!” Sambit ng isang kong kaklase.

“Sige sige sige!” Sigaw ko sa kanila.

“Tara, para matapos na.” Sabi ko kay Anna.

Sumakay nalang kaming dalawa sa bangkang pinapaandar ng isang makina sa ilalim ng tubig. “30 minutes lang naman eh, kaya natin ‘to” paalala ko kay Anna. Ngunit, ang 15 minutes na iyon ang sigurong pinakamatagal kong 30 minutes sa buong buhay ko. Di ko inaasahan ang pangyayaring magaganap sa loob ng 30 minutes

“Haaaay…bakit ganito?!” Napa isip ako. Ang tahimik. Walang kumikibo sa amin. Narito ako, nagkukunwaring may ka-text para lang sabihin na may ginagawa ako. Sya naman, naka iPod. Nakaka-asar na nakakabagot na di mo maintindihan ang pakiramdam ko noon. Bigla kong naisip yung ginawa ko noong Valentine’s Day. Eto ang unang beses na nagbigay ako ng regalo sa araw na iyon. At di ko akalaing bibigyan ko ang babaeng pinaka naaasar ako.

Oo, si Anna ang binigyan ko ng regalo. Siya rin ang babaeng kinaiinisan ko sa loob ng tatlong taon. Diba kanina nagtaka kayo kung anu ang nangyari nung isang taon? Pwes, etong isang taong ito…ang huli naming taon bilang estudyante…napamahal na sya sa akin. Tama ang nabasa mo, napamahal na sya sa akin. Sa di malamang rason kung bakit, pinilit kong usisiin kung pagmamahal nga ba ito o hindi. Ilang beses kong pinagtantuan kung paghanga lamang ba ito sa kagandahang taglay nya, o talagang puso na ang nagpapatakbo sa buhay ko.

Marahil para sa inyo normal na bagay lamang ang ma-inlove. Araw araw nyo namang nasasabi na “Uy! Crush ko yun!” sa kahit sinong tao na sa tingin nyo ay bagay sa inyo. Ngunit naiiba ako. Sa pagbabasa ninyo ng aking munting kwento, nabasa nyo na hindi ko priority ang magmahal ngayong kolehiyo. Hangga’t maari nga, maging pusong bato ako hangga’t sa grumaduate ako. Pero iba ang nangyari sa akin kung kailan paalis na kami. Tyaka ko lang nalaman na iba na ang turinh ko kay Anna. Dati kapag nakikita ko sya, napapagtabi ko ang kilay ko sa kaasaran ko sa kanya. Ngunit nitong nakaraang taon? tuwing nakikita ko sya, ganun pa rin. Napapagtabi ko ang kilay ko sa kaasaran. At titingin uli ako, at pagtatabihin na naman ang kilay ko. At uulitin ko ito hangga’t sa mawala sya sa paningin ko. Maya’t maya ay napansin ko na lamang na iniisip ko na sya bago ako matulog. Na tuwing nagsusulat ako, sya ang laman ng isipan ko. Di ko talaga inasahan na sa lahat ng magagandang babae sa kolehiyo eh sya pa ang napili ng puso ko. Isang babaeng nakakaasar para sa akin.

Marahil nagtataka ka na: Bakit nga ba sya nakakaasar? Ang sagot ko: Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit ako naaasar sa kanya. Kung titignan natin ang mga pangyayari, marahil ako’y nagsimulang maasar sa kanya dahil napansin kong magiging balakid sya sa intensyon kong huwag mag mahal. Siguro pinilit kong isipin na masama syang impluwensya, na wala akong mararating kapag sya ang laman ng utak ko. Eto na nga siguro ang tamang rason para sa isang katanungang di naman dapat palawakin pa.

“Eto na ang pagkakataon ko!” Sinabi ko sa sarili ko habang sakay kaming dalawa sa bangka sa loob ng Tunnel of Love. Naisip ko na magtapat na ako sa kanya, na sabihin ko na ang nararamdaman ko bago pa man mahuli ang lahat.

“Bahala na! mangyari na ang mangyari!” sabay lunok ko ng takot.

“Anna…may sasabihin ako.”

Sabay hugot ng earphones “Ano?”

“Eto na siguro ang tamang pagkakataon para masabi ko na ang dapat kong masabi sa’yo. Habang tayong dalawa lang ang nandito. Gusto ko lang sanang sabihin ang gusto kong sabihin sa loob ng apat na taon nating pagsasama bilang magkaklase.”

Tahimik na nakinig si Anna sa bawat salitang binitiwan ko. Bakas sa mukha nya ang pagtataka kung anu nga ba ang itinago ko sa loob ng apat na taon.

“Anna, sorry sa lahat ng ginawa kong mali sa’yo”

Nagtatakang itsura ang ipinakita nya sa’kin “Huh?”

“Sabi ko nagso-sorry ako sa mga maling ginawa ko sa’yo”

“Pwedeng pakilinaw? anung mga mali? may ginawa ka bang dapat kong ikagalit?”

“Siguro. Pero di ko namalayang meron na pala.”

“Robert, wala akong maalalang mali na dapat kong ikagalit sa’yo.”

“Talaga? eh bakit di mo ko pinapansin sa loob ng tatlong taon?”

“…” wari’y nawalan na ng ganang sagutin pa ang tanong ko.

“Ibig sabihin, ayaw mo lang talaga akong pansinin? haha…ang malas ko naman pala.”

“…Sorry. Di ko namalayang wala pala akong rason para di ka pansinin.” Nagsalita sya makaraan ang ilang segundong katahimikan sa aming dalawa.

“Tatlon taon…tatlong taon tayong di nagpansinan. Actually, kung kasama yung bago mag new year, halos apat na taon eh. Grabe no? almost 4 years tayong di nagpansinan. Nasa loob naman tayo ng room, iisa lang naman section natin. Nakakatawa no?”

“Wala namang nakakatawa dun ah.”

“Para sa’kin meron. “

“Bahala ka…” Sabi ni Anna na may kasamang pagka-asar.

“Naalala mo yung binigyan kita ng gift noong V-day?” Bigla kong paalala.

“…Oo. Syempre”

“Diba sinabi ko sa’yo na binigyan kita noon kasi ginamit ko ang pagkatao mo bilang isang tauhan sa nobelang nagustuhan ng mga kasama ko? Na dahil doon, plano nilang ilaban iyon sa mga amateur writing contests?”

“Ah yung sulat, Oo. Nabasa ko sya.”

“Hindi totoo yun.” Sabay iwas ng aking mata patungo sa harapan.

“Huh?! anung ibig mong sabihin? nagsinungaling ka sa akin?!”

“Oo, nagsinungaling ako.”

“Huh?! Eh, bakit mo pa ko kelangan pagsinungalingan?! anu ba talaga ang rason kung bakit mo ‘ko binigyan ng gift nun?”

“Sa loob ng tatlong taong di tayo nagpansinan, asar na asar ako sa’yo. Sa di malamang dahilan, gusto kitang tratuhing masama sa paningin ko. Pero ang lahat ng ‘yun ay nagbago this year. Nagimbento lang ako ng excuse para lang bigyan ka.”

Matinding pagtataka ni Anna “Ano?! what do you mean? get to the point!”

“Anna mahal kita…” Sinabi ko ito ng buong tapang ng loob ko.

Sandaling nanahimik si Anna. Habang nakatingin sa kawalan at marahil di malaman ang sasabihin tungkol sa bigla kong pag amin ng aking damdamin.

“Anna” Sabay harap ni Anna sa akin “…pasensya na kung binigla kita. Kaya nga dito ko sinabi, para tayong dalawa lang ang magkarinigan.”

Nagtatataka na sya at siguro wala na ring maisip na itanong “…b-bakit ako? bakit di nalang si–”

“Kasi ikaw ang gusto ko.” Sabay harap sa mga mata nya. “Anna, minsan lang ako makaramdam ng ganito. Kaya alam kong ikaw ang gusto ko…”

“P-pero…di ko kasi balak–”

Inistorbo uli ang sasabihin nya “Wag ka magaalala…di pa naman ako nanligaw sa buong buhay ko. Kaya strike 3 na’ko sa **.”

“…strike 3?”

“Oo, tatlong beses palang akong nagmahal ng babae. At tatlong beses ko na rin inisip na hanggang titig na lang ako. At oo, ikaw ang pangatlo.”

“Hanggang titig? panu mo naman nasabi yun?”

“Kasi, lahat ng babaeng minahal ko, talagang iba ang kaledad. Parang, ang taas nila na di ko sila kayang abutin kaya hanggang titig na lang ako.”

“Ganun lang? di mo man lang sinubukang manligaw?”

“Anna…di siguro halata kasi di nyo pa ako nakikitang matakot pero…”

“Pero…?” pagtataka ni Anna

“Takot akong masaktan.” Biglang yuko ko sabay hawak ng mahigpit ng aking mga kamay. “Takot akong masaktan Anna. Kaya di ko kayang magka-girlfriend.”

“Takot kang masaktan eh di mo pa nga nasusubukan! anu ka ba? giving up without even trying is an act of cowardice, sana sinubukan mo man lang para alam mo ang pakiramdam…”

Sabay bigla kong sinagot “…Ng masaktan? wag na. Mas gusto ko pang maging pusong bato kaysa pusong laging nagdurusa.”

“Nagdurusa?! di mo pa nga alam ang feeling gaganyan-ganyan ka na?! eh anu kung masaktan ka? at least you tried diba?!”

“Di kasi ganung kadali yun sa inaakala mo. Siguro sa mga pelikula napapanood mo laging iba ang trip ng lalaki pag nanliligaw. Pwes, ibahin mo ‘ko. Dahil kung susubukan ko man, at sakaling makuha ko ang matamis na OO, di ko na alam ang gagawin ko pa pagkatapos. Kumbaga, hanggang ligaw lang ako kung susubukan ko. Kaya siguro naisip kong di na rin ako magaasawa pag tanda.”

“Bakit naman?” Tanong ni Anna

“Di ko alam…di ko alam kung paanu maging mabuting boyfriend. Ang korni ng reason pero…natatakot akong masaktan dahil sa kakulangan ko sa pagiging isang boyfriend. Ayoko naman ng ganun, na di ko man lang napasaya yung girlfriend ko na ang taas taas ng expectation sa’kin tapos wala pala akong kwenta!” napasigaw ako ng kaunti.

“Di ka marunong? eh panu ka matututo kung di mo nga susubukan?” tumigil sya sandali at “Robert…kung talagang mahal mo ang isang tao…dapat, kahit di mo alam ang mangyayari, handa mong gawin ang lahat ng kaya mo para sa taong ‘yon. Syempre lahat nagsisimula sa first time. Kaya nga first eh. Talagang masakit madapa sa umpisa, pero sa katagalan…natututo ka nang umiwas sa pagkadapa. At kung sakaling madapa ka uli, mas mabilis na ang pagtayo dahil alam mo na ang pakiramdam.”

“Tama ka…pero…tulad nga ng sabi mo, kelangan ko pang madapa bago ako masanay madapa.” *sigh* “Tapos strike 3 pa’ko sayo…”

“Ayan na naman ang strike 3 na yan…Sabihin mo nga sa ‘kin: Mahal mo ba talaga ako?”

Nagtaka ako sa bigla nyang pagtanong nun. Buong tapang nyang tinanong yun sa mukha ko.

“OO,Mahal kita Anna…”

“Eh ba’t ayaw mo man lang subukang ligawan ako?” Tanong nya.

“Di ba nga sinabi mo na rin na ayaw mo magka BF?” Sagot ko.

“Malay mo magbago isip ko! Anu ka ba? ang duwag mo naman!” Sagot nya sa sagot ko.

“Tyaka…”

“Tyaka ano?”

“Di ako marunong…maging boyfriend…tulad ng sinabi ko kanina. Kaya nga single for life nalang ako sigurado. Wala na talagang babaeng magmamahal sa kin.”

Sandaling katahimikan ang nagbalot sa aming dalawa. Sabay…

“Robert…takot kang manligaw kasi di mo alam kung paano maging boyfriend diba?”

“…oo.” Payuko kong sinagot ang tanong.

Nagulat nalang ako sa sumunod na nangyari. Hinawakan nya ang kanan kong kamay…

“…tutulungan nalang kita.”

Wala akong masabi ng mga oras na yun. Di ko alam kung ang nasa isip ko ang ibig sabihin ng sinabi nya. Sinundan pa nya ng…

“…basta tulungan mo din ako. First time kong maging girlfriend eh…” sabay ngiti nya.

Tapos biglaan ang mga sumunod na pangyayari. Bigla syang napapapikit sa harapan ko. At para bang unti unting lumiliit ang pagitan ng aming mga labi. Isang matamis na halik. Simple, madali, pero puno ng pagmamahal at kaligayahan para sa isa’t isa.

Dito na nagtatapos ang kwento ng buhay kong sawi. At dito na rin nagsimula ang panibago kong buhay na kasama ang taong pinakamamahal ko. Sa loob ng kalahating oras ng buhay ko, nabago ko ang takbo ng buhay ko. Nagawa ko sa loob ng kalahating oras ang mga bagay na ilang taon ko nang nais gawin. At higit sa lahat, sa loob ng kalahating oras, nagising ako sa katotohanan ng buhay ng isang tao. At lahat ng ito ay naging posible dahil sa isang aksidenteng pagkakataon na makasama ko ang babaeng mahal ko sa maikli, ngunit napakahalagang, sandali ng buhay kong ito.

Fin

Comments

  • kaningbrownkaningbrown Member PExer
    Good story. Minimalist, but pretty nice. The plot could've used slightly more elaboration but as it is, it's already a good read. Kudos.
  • anima9anima9 I ignore idiots :) PExer
    mahaba po talaga ang intensyon ko sa gawa ko. kaso baka po sa sobrang haba di na sya basahin lol

    salamat po. anu po ba ang pwede kong idagdag?
  • kaningbrownkaningbrown Member PExer
    Hindi sa pagpapahaba yan bro. Di naman sa minamasama ko gawa mo, pero para kasing medyo simple yung dating. Maganda rin yung simple, lalo na pag mga teenager yung mga magbabasa kasi madali mintindihan. Kaso pag simple, may mga naiiwan ding bahagi.

    Gaya ng case nung babae, di sila nagpapansinan nung lalaki, nagbigay ng gift yung lalaki, other than that, wala na indikasyon kung bakit papayag yung babae na maging gf nung lalaki at magpahalik out of the blue. Siguro may gusto rin sya dun sa lalaki, kaso parang di naman nabanggit o naipaliwanag ng husto. Parang nag labas tuloy, nagpaawa effect si lalaki tapos pumayag si babae.

    Sa totoo lang, gusto ko yung paraan mo ng pagsulat. Casual, hindi malalim ang tagalog, parang nagkkwento lang talaga. Tingin ko pagpatuloy mo lang yan. Sulat ka lang ng sulat bro, makukuha mo rin kung ano ang dapat sa style mo.

    Good luck.

Leave a Comment

BoldItalicStrikethroughOrdered listUnordered list
Emoji
Image
Align leftAlign centerAlign rightToggle HTML viewToggle full pageToggle lights
Drop image/file