Home PEx Local Entertainment Showbiz - Female Celebrities
Discuss your bets and predictions on who will be the next Miss Universe. 👑

Tigilan na si Nora Aunor!

Bakit nga ba pilit na ibinabagsak si Nora?



Nora, laos na! Nora pinabayaan ang mga anak! Nora, gumon sa casino at droga! Nora, nagpakasal sa isang tomboy! Nora, pinalayas sa kanyang bahay sa Amerika! Nora, hindi maiwanan si John Rendez! Ilan lamang ito sa mga mapanirang salita na ipinupukol kay Nora Aunor. Mga paninirang walang katapusan at nakakasakit ng damdamin hindi lamang kay Nora kundi pati na rin sa mga tagahanga na patuloy na nagmamahal at nagmamalasakit sa Superstar. Ang tanong? Nabawasan ba naman ang kasikatan ng tinatawag na “The One and Only Superstar and All Time Greatest Actress of Philippine Cinema?”



Nabawasan man o hindi ang popularidad ni Nora Aunor, puwes tigilan na siya! Hindi puwedeng malaos o basta-bastang nakakalimutan ang isang mahusay na artista! Pagbali-baliktarin man natin ang mundo, si Nora Aunor ay si Nora Aunor pa rin! Ika nga nila, si Nora ay parang isang kayamanan ng Pilipinas noong kanyang panahon. Sa dinami-dami ng mga artista ngayon sa telebisyon, lilitaw at lulubog ang mga iyan na parang bulalakaw sa kalawakan, pero ang isang Nora Aunor ay mananatili ang kanyang ningning habang panahon. Sa mundo ng showbiz, mahirap kalimutan ang isang Nora Aunor. Patuloy siyang paguusapan, ngayon, bukas at hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Walang katapusan!



Tunay na nagiisa si Nora Aunor sa trono na kanyang kinalalagyan. Kahit ang karibal niyang si Vilma Santos ay aminadong isang mahusay na artista ang kanyang kumare. Kung babalikan natin ang nangyaring pagtutunggali ng dalawang mahusay na aktres sa isang Metro Manila Film Festival awards night, inamin ni Vilma Santos sa isang interview na iniyakan niya ng husto ang pagkatalo sa Best Performer award ng mapunta ito kay Nora. Ang pelikula ni Nora ay Atsay at Rubia Servios naman ang kay Vilma. Sa record ng best actress awardees, sina Nora at Vilma ang may pinakamaraming naitala, kasama na rito ang tatlong international best actress awards ni Nora mula sa Cairo International Film Festival, Malaysian International Film Festival at Brussels International Film Festival.



Detractors walang sawa sa pag-atake kay Nora



Ang mga bumibirang detractors ni Nora ay mahirap ispelingin. Magugulo at hindi consistent sa mga isinusulat na negative news tungkol kay Nora. Basta may marinig laang na tsismis about Nora, isusulat na nila agad ang mga nakalap without even verifying their facts. Minsan, mababasa mo sa kolum nila ang “Nora Aunor, naghihirap na!” After few days or weeks, mababasa mo rin sa kanilang kolum ang “Nora Aunor, laging nasa Casino!” So papaano nila ngayon maipapaliwanag na naghihirap na si Nora Aunor kung sila rin mismo ang nagsusulat sa mga diyaryo na laging laman ng casino si Nora? May mahirap bang tao na laging nasa casino at dolyares pa ang ipinanlalaro? Aba eh, kung ipagpalagay na natin na isang libong dolyar ang minimum na kailangan para makapaglaro ka sa casino sa Amerika, maraming salapi kung ganon si Nora Aunor at HINDI siya naghihirap. It’s Nora’s choice kung ubusin niya man ang kanyang mga dolyares sa paglalaro sa casino. Eh yung mga nagsusulat sa diyaryo na naghihirap na si Nora, may mga hawak kaya silang dolyares ngayon? Aber? Kung wala, puwes, tigilan na si Nora Aunor!



Mahirap bang magsulat ng positibong balita tungkol kay Nora? Bakit kaya hindi subukan ng mga detractors ni Nora na isulat ang “Nora, lumipat ng ibang tirahan dahil Tsismosa ang may-ari ng bahay na kanyang nirerentahan?” o di kaya naman ay “Nora, lumayas sa kanyang apartment dahil balasubas na concert producer ang may-ari ng kanyang inuupahang bahay!” Para maiba naman. Nakakasawa na rin kasi yung laging isinusulat like, “Nora, pinalayas sa kanyang bahay.” Wala bang bago? Ilang beses na bang lumipat ng tirahan si Nora? Ang naisusulat laang kasi ng mga writer ay puro one side of the story. Wala silang ibang nakikita kundi si Nora ang may kasalanan. Eh puro hearsay lang naman ang naisusulat nila! Tapos dudugtungan pa ang kanilang artikulo nang “sinubukan naming kontakin si Nora para makuha ang kanyang side or reaction but to no avail.” Hellarrrrr?



Aba eh, sa dinami-dami na nang mga magagandang naiambag ni Nora sa mundo ng Philippine showbiz, bakit ba parang malaking kasalanan na sa mga detractors na ito ang maliliit na pagkakamali ng Superstar? Ngayon, kung birahin si Nora ng mga dati niyang kaibigan na nagsusulat, para bagang hindi sila nakinabang noong araw sa Superstar. Hindi kaya pumasok sa isipan nila na kaya sila nakilala ng husto bilang mga manunulat ay dahil sa isang Nora Aunor? Aminin man nila o hindi, marami sa mga detractors ngayon ni Nora ang nagkapangalan at nagkamal ng limpak-limpak na salapi noong panahon na si Nora ay araw-araw na laman ng mga tabloids, newspapers, fan magazines, telebisyon at radio. Maraming mga manunulat ngayon ang nabago ng buhay dahil sa isang Nora Aunor.



Hindi tayo isang PA ni Nora Aunor at hindi rin naman niya tayo publicist para magsulat ng magagandang kuwento tungkol sa Superstar. Personal nating kagustuhan na gumawa ng ganito para naman maiba ang mga nababasa natin about Nora. Nakakasawa na rin kasi talaga ang magbasa ng mga naglalabasang articles sa mga tabloid dahil puro birada na lang sa superstar ang laman ng artikulo ng mga intrimitido at intrimitida. Ang masakit pa nito, yung mga nagsusulat ng negatibo tungkol kay Nora ay mga writers na kapit-tuko kay Nora noong araw na sikat na sikat ang Superstar.



Kumusta na ba si Ate Guy ngayon?



Matagal ng naninirahan sa Amerika si Nora Aunor and as a matter of fact, isa na raw siyang greencard holder ngayon. Kung ganon, puwede na siyang dumalaw sa Pilipinas para bisitahin ang kanyang sariling pamilya at makita siya ng mga fans. Ang problema lang, marami pa yatang dapat na ayusin si Nora sa Amerika bago siya tuluyang maka-uwi ng Pilipinas, like yung mga natunguan na niyang mga shows hanggang end of this year na kailangan niyang tuparin.



Sa dinami-dami na ng naging shows or concerts ni Nora sa Amerika simula noong dumating ito doon noong 2004, hindi talaga maiwasan ang mga intriga. Palibhasa isang malaking artista si Nora kaya parang naka-monitor ang bawat galaw niya sa Amerika ng isang surveillance camera. Patuloy siyang binibira at minsan ay talagang nakakairita na ang mga banat ng mga detractors niya. Sa mga shows ni Nora sa Amerika, maraming beses nang naibabalita sa mga pahayagan na laging nagkakaroon ng problema between the producers and Nora. Siyempre dahil may pangalan si Nora, most of the time siya ang naisusulat sa mga diyaryo at siya ang laging may kasalanan kung may naging aberya man sa mga shows niya. Ang tanong, nasubukan na ba ng mga detractors na kunan ng sariling pahayag si Nora para idepensa ang sarili? Wala pa yata akong nabasa sa diyaryo na nagsalita si Nora para i-ere ang kanyang side tungkol sa mga paratang sa kanya.



Di nga ba’t naisulat na rin ni Tito Alfie Lorenzo na karamihan sa mga producers ng shows sa Amerika ay hindi marunong tumupad ng usapan? Marami na rin tayong nabasa at nakarating sa ating kaalaman na kadalasan ay ang mga producers ang nagsasamantala sa kabaitan ni Nora. Kilala si Nora na pa-underdog at hindi ito basta-bastang pumapatol sa mga intriga na ipinupukol sa kanya. Ayon sa mga nakakarating na kuwento sa atin, may mga producers na kinukuha ang serbisyo ni Nora para sa isang show pero kadalasan ang nangyayari ay kulang-kulang ang ibinabayad na Talent Fee kay Nora.



Idinadaan ng ibang producer ang pagpapatira kay Nora sa mga paupahan nilang bahay at kapag nakuha na nila ang gusto nila, bigla na lamang lalabas sa mga diyaryo ang mga salitang “Nora, pinalayas sa kanyang bahay dahil hindi nakakapag-bayad ng renta.” Pero ang buong katotohonan, pinatira si Nora sa bahay ng isang producer para lumabas na nagmamagandang loob ito kay Nora. At dahil isang tahimik na tao si Nora, once na may kumalat ng tsismis tungkol sa pagtira niya sa in-offer na bahay, kahit hindi pa siya nababayaran ng buo sa kanyang talent fee, siya na mismo ang kusang umaalis para umiwas sa intriga. Sa madaling salita, maraming producers sa Amerika na binabalasubas ang Superstar.



Nora & JR through the years



Kasalanan na bang malaki ni Nora kung totoo man na karelasyon niya ngayon si John Rendez? Masama bang makita natin si Nora na umiibig sa isang katulad ni JR? Aba eh, kung talagang may relasyon sina Nora at JR., leave them alone! Kesa naman sa naibalitang nagpakasal sina Nora at ang manager niyang Tomboy, eh mas gugustuhin pa siguro ng lahat na maging totoo ang relasyon nina Nora at John. Tunay si JR as in mayroon talaga siyang male organ. Hindi kagaya ng iba jan, fake. Aray ku!



Matagal na rin naman ang nababalitang Nora-JR love affair at nakikita naman siguro ng publiko kung papaano tumagal ng kung ilang taon na rin ang kanilang friendship. Friendship daw oh? Well, it’s about time to give Nora and JR a chance na maging maligaya sa isa’t isa. Walang mangyayari kung patuloy natin na kinkondena ang kanilang special friendship. Kahit gustuhin man nating lahat na mawala si JR sa buhay ni Nora, wala na tayong magagawa pa dahil ang nakikita nating lahat ngayon ay kasing liwanag ng sinag ng buwan at sikat ng araw ang Nora-JR love affair.



Hindi nga ba’t marami ng naganap na masasamang pangitain sa mundong ibabaw pero nariyan pa rin ang Nora-JR? Nagpasabog na ng sariling bomba si Jojo Gabinete na nagpakasal daw si Nora at ang tomboy niyang Manager sa Las Vegas na ikinagimbal ng mundo at buong showbiz pero natinag ba ang Nora-JR? Nope! Na-invade na ni Saddam ang Kuwait at nabawing muli ng mga Amerikano ang Kuwait noong Gulf War, pero Nora-JR pa rin? Korekek! Nilusob na ni Binladen ang Amerika at napatumba pa ang Twin Towers pero nanatiling matatag ang Nora-JR. Trulili! At ang latest, nakidnap na si Ces Drilon at mga kasamahan nito pero napakawalan din dahil nakuha na raw ni Mayor Isnaji ang kanyang parte sa ransom subalit ang Nora-JR ay nananatiling kumakanta ng “Through the Years.” Plangak! Ang ending…., “and they live happily ever after.” Got it? Naman!



Mapagmahal ang mga tagahanga ng Superstar



Sabik na sabik na ngang talaga na makita at mapanood sa pelikula o sa telebisyon si Nora ng mga tagahanga niya sa Pilipinas. Ayon sa ating reliable source may naka-antabay na malaking pelikula na nakalaan para kay Nora. Ang “Reclusion Perpetua” ay isang project ni Lav Diaz at gusto nito na si Nora ang gaganap sa title role. Kung matutuloy man ang project siguradong isa na naman itong award-winning film ni Nora na ipanlalahok sa mga International Film Festivals at magsisilbing comeback movie ng nag-iisang Superstar.



Maraming fans ang nakaantabay sa pagbabalik ng Superstar sa Pilipinas. Isa sa kanila ay ang matapat niyang tagahanga na si Mandy Diaz Jr. Si Mandy ay kilala ng maraming Noranian bilang isang Walking Encyclopedia dahil sa mga Nora Aunor Memorabilia na kanyang collections simula noong nag-umpisa si Nora sa showbiz hanggang sa kasalukayang dekada. Si Mandy ang masugid na tagahanga ng Superstar at may akda ng “Nora Aunor Trivia” na naka-post at mababasa ngayon sa internet. Ang Trivia ay naglalaman ng detelyadong pangyayari sa career ng Superstar. Sa libro naman ni Nestor de Guzman na “Si Nora Aunor sa mga Noranian: Mga Pagtatapat at Paggunita” mababasa natin doon ang “Himala” na isinulat pa rin ni Mandy Diaz Jr. Sa huling paragraph ng Himala, ganito ang sinabi ni Mandy: “Hanggang pumikit ang mga mata ko, siguro si Nora Aunor pa rin ang nasa isip ko. Kung sakali mang mauna akong kunin ng Panginoon kaysa kay Ate Guy, ito ang mahigpit kong bilin: huwag akong ilibing habang hindi dumarating si Ate Guy. Kung kinakailangan nilang kaladkarin si Ate Guy para sumilip sa burol ko, gawin nila. Kung hindi, pagmumultuhan ko sila. At gusto kong panay Nora Aunor ang tugtog sa lamay at burol ko.”



Pumanaw na nga si Mandy Diaz Jr., noong June 7, 2008 (kasabay ni Rudy Fernandez). Hindi man natupad ang habilin ni Mandy, siguradong masayang-masaya naman siya ngayon sa piling ng Maykapal dahil napag-alaman natin na gumawa ng sariling paraan ang Superstar para maiparating nito ang personal na pakikiramay sa naiwang pamilya ni Mandy. Kung saan man ngayon si Mandy, sigurado tayo na nauunawaan niya ang situwasyon ng Superstar.



Mapagmahal ang mga fans ni Nora at kahit karamihan sa kanila ay naninirahan na sa iba’t ibang bansa, nananatili ang mga Noranian sa pagtatanggol sa kanilang idolo. Minsan may mga fans na nagagalit at nagtatampo kay Nora pero parang may batubalani si Nora na hindi puwedeng bumitiw sa kanya ang mga fans. Tulad ng mga fans, si Nora ay isa rin siyang tao na marunong masaktan at magdamdam sa mga masasakit na salitang ibanabato sa kanya. Kung nasaksaktan man ang mga fans sa mga panlalait sa Superstar at handa ang ilan sa kanila na rumesbak sa mga detractors ni Nora, hindi naging ugali ng Superstar ang pumatol sa bawat intriga na ipinupukol sa kanya. Kilala si Nora sa mundo ng showbiz bilang isang tahimik at simpleng artista.



Isang National Treasure si Nora Aunor



Alam ng buong Pilipinas kung papaano sinamba ng masang Pinoy ang isang Nora Aunor noong siya ay pumalaot sa daigdig ng showbiz. Kahanga-hanga ang kanyang naging ambag sa industriya na kanyang kinabibilangan. Noong panahon ng Noramania, matanda at bata, mahirap at mayaman, mula Appari hanggang Jolo, ginimbal ng isang Nora Aunor ang buong Pilipinas. Sa pelikula, recording, radio, television at maging sa teatro, na-conquer ni Nora Aunor ang apat na sulok ng showbiz. Parang isang Cinderella ang kanyang kasaysayan.



Ang Noramania ang magpapatunay na wala pang artista (noon at ngayon) ang nakakapantay sa naging kasikatan at kahusayan sa pag-arte ng isang Nora Aunor. Dahil sa kanyang pagiging isang phenomenal, binansagan ng mga movie press (mismo!) si Nora Aunor ng “The One and Only Superstar”, “Queen of Philippine Movies”, “Movie Icon”, “All Time Greatest Actress of Philippine Cinema” at kung ano-anu pang mga magagandang titulo na ikinabit sa kanyang pangalan. Mai-pre-preserve ang kasaysayan ng Nora Aunor sa history ng Pilipinas bilang isang National Treasure at patuloy siyang paguusapan hanggang sa dulo ng walang hanggan, pero ang pangalan ng kanyang mga detractors ay mananatiling “DA WHO” when they are gone!



Naku, tama na, tigilan na ng mga detractors si Nora Aunor dahil kahit na birahin pa siya ng birahin below the belt or iwanan pa niya ngayon ang magulong mundo ng showbiz, hinding-hindi na mabubura pa ang Nora Aunor sa mapa ng Pilipinas dahil isa siyang “Living Legend.” Yun lang!

Comments

Sign In or Register to comment.