Paris, France

Hello, PEXERS.

Dumating ako dito kahapon ng umaga. Napakalamig pero sabi ng taxi driver, hindi pa daw ito ang lamig na inaasahan nila. Binalak kong sumakay ng bus o kaya ng metro subalit dahil sa dala kong maleta, minabuti kong sumakay ng taxi. Mabuti naman , nagsasalita ng Ingles ang driver, isang Arabo. Hindi gaya ng dati, isang Italyano ang nasakyan ko at ang alam lang sabihin ay "Paris, Bonito". Ako naman, ang naisasagot ko lang ay "si, si".Alas siete y medya na pero madilim pa rin dahil nga winter. Ang bayad ko sa taxi ay 15E. At dahil nga maaga pa, nang dumating ako sa hotel ko, sa Left Bank Hotel, hindi pa nakahanda, ang kwarto ko. Kagaya ng nakaugalian ko, iniiwan ko ang maleta at kinabisa ko ang bagong lugar ko.

Maganda ang Left Bank. Ito ang pinili ko dahil nasubukan ko na ang kabilang bahagi ng Seine at sinabi ko na sa susunod na bakasyon ko, sa makasaysayang Left Bank naman ako. Hindi ako nagkamali. Napakaganda ng lugar, maraming cafe at bar, makikitid ang mga kalsada o rue. Una kong pinuntahan ang Bar de Marche sa panulukan ng Rue Buci at Rue de Seine. Luma ang bar at makikita ito sa interiors nya at sa mga posters. May malaking poster si Edith Piaf. Kaya habang tinutungga ko ang napakamahal na capuccino ( 5 Euro) parang naririnig ko si Edith na bumabanat ng La Vie En Rose. Sabi ng waiter, madalas din daw doon si Gerard Depardeu, ang sikat na Pranses na aktor na may malaking ilong. Paborito ko siya dahil ang galing nya sa Vatel, ang pelikula tungkol sa isang Chef. Nakakaaliw tumambay sa terasa ng Bar habang pinapanood mo ang mga Pranses na nagbubukas ng kanilang mga tindahan sa kahabaan ng mga rue.

Dito sa mga cafes ng Left Bank, sa may St. Germain de Pres madalas tumambay ang mga writers noong mga panahon- sina Henry Miller, James Baldwin, Ernest Hemingway, Jean Paul Sartre at ang syota nyang si Simone de Beauvoir. Dito din tumira si Oscar Wilde na lumayas sa England dahil sa mga kasong kinasangkutan nya. Namatay sya sa L Hotel dito. Bukas tatambay naman ako sa Cafe Flore sa St. Germain Blvd. Ito ang paboritong tagpuan ng mga manunulat.

Dito sa lugar na ito dati nakatira ang mga dugong bughaw sa Pransya at mapapansin mo ito sa ganda ng mga buildings. Dito tumira si Queen Margot, anak ni Queen Katherine de Medicis at asawa ni King Henri of Navarre, isang protestante. Naging usapin noon na maraming pinapatay si Katherine na mga Huguenots o mga protestante. Makulay ang buhay ni Reine Margot, kilala sa pagiging mahilig sa sex at ito ay mapapanood sa pelikulang may katulad din na pamagat. Naghubo't hubad sa pelikulang ito si Isabelle Adjani na gumanap na Queen Margot at pati na rin si Vincent Perez na gumanap bilang isa sa kanyang mga kalaguyo, si Le Mole. Bukas din ay pupunta ako sa Louvre na nasa kabila lang ng St. Germain. Sa Louvre din tumira si Queen Margot ng mahabang panahon. Kung may panahon pa ako, papasyal din ako sa Versailles kung saan naman tumira sina Queen Antoinette at King Louis 1V bago sila pinugutan ng ulo. Panoorin nyo rin ang Marie Antoinette ni Sofia Coppolana bagama't inalipusta sa Cannes Festival ay, para sa akin isa sa mga magagandang ginawa nya.Tatlo pa lang naman ang nagawa niya-The Virgin Suicides, Lost in Transalation at ito nga.

Sa dami ng tao kahapon dahil maraming Sale o Soldes, nahilo ako nang tinangka kong puntahan ang Lafayette sa may likod lang ng Opera Garner. Siguro din dahil wala pa akong tulog at sumabak agad ako sa Metro. Ang ginawa ko tumawag ako ng taxi at bumalik sa hotel. Kagabi,inimbitahan ako ng kaibigan kong Pranses na magdinner sa kanyang condo. Ang kaibigan ko ay dating nagtrabaho sa Manila at isinasama ko palagi sa mga gimik.Bilang ganti, pinagluto nya ang ang syota niyang pranses din ng ulam na medyo may hawig sa ating ulam. Bumili sila ng mga balun-balunan ng baka at inilaga at nilagyan ng kung anu-ano. Halos hindi ko makain pero para matuwa sila, sinabi ko na masarap. Bumawi na lang ako sa sabaw at sa kanin.

Mahal ang hotel dito. Ang Left Bank Hotel, ang bayad ay 140 Euro bawat gabi.
«13

Comments

  • neneodinneneodin zickezackezauber PExer
    Since na naging €uro na ang France,lalong nagmahal ang mga bilihin sa bansa .Nagpunta kami ng mga friends ko sa Disney Paris,may sariling train station sila na ang tawag ay METRO,an underground railway na kung hindi mo alam kung anong number ng station ang bababan mo ay talagang maliligaw ka.Subukan mong magtrain at masisiyahan ka dahil,bawat station ay may mga sumasakay na Entertainer at kung ano-anong ginagawa nilang shows para magkapera sila.Minsan may mga magician or mga grupo ng singers at ang iba mga payaso na nagpapatawa sa mga pasahero.Nakakawili talaga,kahit may kamahalan ang billette(tickets).
    Kapag tungkol naman sa mga eating places,mas makakamura kapag malayo ng konti sa main street kung saan ang tourist belt.Minsan nga na sa sobrang gutom namin,di na kami nakahintay pa at kumain kami sa isang Italian Restaurant sa harap mismo ng Eifel Tower.Isang order ng spaghetti good for one plus one coke in glas(8oz.)we paid 45€uro.
  • doolfreak_bigedoolfreak_bige Member PEx Veteran ⭐⭐
    Wow!!! Ang saya, may Paris, France na thread na....pupunta ako dyan sa Feb 1... :D excited na ako. sobrang lamig ba dapat naka thermal pa?
  • salmansalman Member PExer
    Dapat naka-thermal. Pero kahapon, nakatatlong patong lang ako. Ngayon ko gagamitin ang thermal.
  • salmansalman Member PExer
    DAY 2:

    Inihanda ko ang sarili ko sa isa na namang paglalakad sa pamamagitan ng mabigat na almusal na kasama sa package sa hotel. Wala naman akong nakahandang itinerary maliban sa Notre Dame at Iglese Saint Sulpice, dalawa sa mga makasaysayan at tanyag na simbahan dito sa Paris. Binagtas ko uli ang St. Germain papuntang hilaga (patalikod sa Seine) at sa hindi kalayuan, sa bandang kaliwa, sa kanto ng St. Germain at St. Michel, ang Musee de Cluny, isang malaking museum ng mga pinaghalong Gothic at Rennaisance artifacts. Lumakad uli ako at nang masilip ko ang mga spires ng isang simbahan, kumaliwa ako. Di ako nagkamali, ito na ang Church of Notre Dame of Paris, ang setting ng nobelang Hunchback of Notre Dame ni Victor Hugo. Di ba't minahal ng todo ng kampanerong kuba na si Quasimodo ang magandang gypsy na si Esmeralda na pinagnanasahan naman ng paring si Frollo?. Mula sa isang park, matama kong tiningnan ang kabuuan ng simbahang ito na naging saksi at biktima ng madugong rebolusyon, ng mga kasalan ng mga dugong bughaw, at kung anu-ano pa. Ito ay nakatayo sa iang isla sa gitna ng Seine ( Ile de la Cite). Lumapit ako at lalong naging kamangha-mangha ang ganda ng obra ng gothic architecture na ito. Nang dumating na ang sanrekwang turista- Hapon, Koreano, Europeans at nagsimula ang katakot-takot na kodakan, dahan-dahan na akong umalis pabalik sa St. Germain. Lumakad ako pabalik, tumawid at binaybay ang kahabaan ng St. Michel. Sa di kalayuan, sa bandang kaliwa ang University of Sorbonne na may napakagandang square na maraming cafe. Dito nag-aral ang isang kaibigan ko kaya alam ko ang lugar na ito. Sa unahan lang ay ang Jardin de Luxembourg at ang Luxembourg palace. Napakalawak ng pasyalang ito, malaki pa sa Luneta, at napakaganda. Ito daw ay ipinagawa ni King Henry of Navare para sa kanyang pangalawang asawa, si Queen Marie of Medicis, isang Italyana, at ang garden daw ay ginaya sa kanilang lugar sa Florence. Sa garden na ito nagdadagsaan ang mga Parisians, kasama ang kanilang anak, tuwing summer. Napakaraming rebulto ng mga hari at reyna dito kung kaya dito itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kasaysayan ng bansa. Bagama't umuulan ng bahagya at masyadong malamig, pinilit kong umikot para dumaan sa Luxembourg Theater at Luzembourg palace. Ang palace ngayon ay ginawang opisina ng Senate ng France.

    Sa pagod, bumalik ako sa hotel para makapagpahinga at kumain. Bumalik ako sa St. Germain para hanapin naman ang Iglese of St. Sulpice. Hawak ko uli ang Lonely Planet Book. Itinuro nito ang Rue Bonaparte kaya nang makita ko ito, lumiko ako pa-kaliwa. Medyo malayo-layo nga ang St. Sulpice Church, oero dahil sa nabasa ko rin ang The Da Vinci Code, napawi kaagad ang hirap nang makita ko ito. Ang problema, under renovation ang exterior ng simbahan. Pumasok pa rin ako at tama ang unang hinala ko, puno ito ng mga turista na sa palagay ko ay masugid ding mambabasa ng libro ni Dan Brown. Napakalawak ng simbahan at medyo eerie ang dating. Lumapit ako sa may nave at pilit na inaalam kung nasaan ang spot na sinasabi ni Robert Langdon. Madilim sa loob. Bagama't maraming tao, napakatahimik naman.

    Pagkalabas, nagdesisyon akong baybayin ang kahabaan ng Rue Bonaparte pabalik. Mahaba ang kalyeng ito, malawak sa may bahagi ng St. Sulpice pero nang makatawid sa St. Germain, ito ay kumikipot. Ang Rue Bonaparte ay dating residential at hotel area. Dito tumira ang mga taong nasa pahina na ng kasaysayan- ang Three Musketeers, apat na reyna ( Catherine, Margot, Anne of Austria at Marie of Medicis) at marami pang iba. Si Henry Miller, tumira sa St. Germain Hotel na nasa kahabaan ng kalsadang ito, sina Jefferson at Franklin ay tumira din. Dito madalas magduel ang Three Musketeers at mga kalaban. Sa kanto ng St. Germain ay ang St. Germain Church, ang pinakamatandang smbahan sa France at sa kabila ang bar na Deux Magots. Sa di kalayuan ang Ecole de Beaux Arts. Ang Rue Bonaparte ay magtatapos sa Quai Malaquais, ang kalsada sa riverbank. Tatawid ka lang ng tulay (Pont des Arts), isang pedestrian bridge, ay nasa Louvre ka na. Kung tatawid ka , nasa kanan mo ang Pont Neuf at sa kaliwa ang Pont du Carousel na papunta rin sa Louvre. Pero mas maganang tumawid sa Pont des Arts dahil pwede kayong magkodakan na ang background mo ay ang ilog na hindi matatakot na masagasaan. Tatawid ka muna sa Quai Mitterand, ang counterpart ng Quai Malaquais sa Right Bank bago ka tuluyang pumasok sa palasyo ng Louvre. Bagama't wala pa akong balak pasukin ang musem dahil paghahandaan ko ito ng isang buong araw, umikot na rin ako sa exterior at gaya nang dapat asahan, dagsa ang turista sa labas pa lamang. At siyempre pa nandoon sila sa mga fountain at sa Pyramid na ipinagawa ni Francois Mitterand. Pumasok na rin ako sa pyramid at bumaba sa lobby ng Louvre, umikot at nagkape, pumunta sa mga shops, sa Virgin music. Bago tuluyang lumabas, tiningnan ko ng maigi at hinawakan ang dulo ng pyramid na humahalik sa sahig ng Louvre kagaya ng ginawa ni Robert Langdon, maya-maya lang, naggayahan na rin ang ibang turista. Tinahak ko ang direksyon papunta sa Metro station. Dito na naman nag-umpisa ang kalbaryo ko dahil hindi ko pa rin makabisa ang tamang connection. ng metro. Salamat sa 2- day pass na binili ko,kahit maghapon akong mapalipat-lipat ng tren, okay lang. Sa wakas, makalipas ang tila isang oras,lumabas ako sa lagusan ng Odeon at nasa St. Germain na na uli ako. Dahil umuulan, nagkape ako at kumain sa isang cafe sa St. Germain. Madaming tao sa Deux Magots at Cafe Flore na binalak kong puntahan . Sa susunod na araw na lang.Nang tumawag ang isang kaibigan para mag-dinner, tumanggi muna ako para makapagpahinga. Bukas ng hapon, lalabas na ako ng Paris.
  • salmansalman Member PExer
    Day 3

    Check out time ko sa hotel alas dose ng tanghali kaya alas nwebe pa lang lumabas na ako, papunta uli ng St. Germain. Napakaganda ng sikat ng araw bagama't malamig. Lumakad ako pababa, huminto sa Deux Magots at Cafe de Flore na punong puno na ng mga sosyal na parukyano. Humigop ako ng isang tasang kape at naglakad muli. Kumanan ako sa isang maliit na Rue ( Peres ) at humantong sa isang lumang simbahan, Church of St. Thomas of Aquinas, kumaliwa ng Rue de Seine hanggang lumabas sa Quai Voltaire. Nasa riverbank na uli ako. Lumakad ako pabalik at nakita ko ang Musee d' Orsay, tumawid nn tulay Pont du Carousel at nasa Jardin de Tuileries na ako, ang garden ny Musee de Louvre. Dito ako nakapagpahinga ng todo. Maya-maya, bumalik na uli ako, dumaan sa makikipot na Rue hanggang makabalik sa Hotel. Makatapos mag-check out, pumunta ako sa kaibigan ko na siyang nagdrive sa akin papunta dito sa Richebourg, isang suburb na mga 70 km ang layo sa Paris. Napakaganda ng lugar. Dito ako magtatagal ng 2 araw bago tumulak papuntang Amsterdam.
  • salmansalman Member PExer
    DAY 4

    Araw ng linggo, nasa bahay ako ng kaibigan ko. Hindi ako nagmamadali at gusto kong maranasan any buhay probinsya sa Pransya. Matapos kumain, dinala ako ng mag-asawa sa Houdan, isang maliit na munisipyo na malapit sa kanila (Richebourg). May isang kastilyo at simbahan sa nasabing lugar. Ang mga bahay ay luma . Sumunod na pinuntahan namin ang Rambouillet. Meron silang forest reserve at doon ko nakita ang pagkarami-raming usa. Naroon din ang isang kastilyo na isa rin sa mga summer residences ng Pangulo ng France. Napakalawak ng sakop ng nasabing forest reserve, may lake at may maliit na square na maraming cafe. Napakasarap ng cappuccino. Bukas ako luluwas papuntang Paris para lumipat sa Amsterdam.
  • nutribannutriban yebah PExer
    pics plssss:)
  • ashishiashishi Member PExer
    pwde na kau share kng how much in euro ang 1 normal meal sa paris? punta kc ko dun sa feb.. thanks!
  • doolfreak_bigedoolfreak_bige Member PEx Veteran ⭐⭐
    ashishi wrote: »
    pwde na kau share kng how much in euro ang 1 normal meal sa paris? punta kc ko dun sa feb.. thanks!

    ashishi, hi! :D will be flying to paris on jan 31. will be in paris from feb 1-6. you wanna meet up? hehehe....how long ka in paris? enjoy!!!!
  • salmansalman Member PExer
    breakfast, set na pero basic lang (croissant,coffee, juice) 6 euro ( mcdonalds, breakfast 5euro,) asian meal ( fried rice, beef ) 10 euro, hot soup 2euro. Pero, in my case ang breakfast ko kasama na sa hotel package. Medyo may kamahalan talaga kaya dapat paghandaan. At iwasan ang magconvert, baka di ka mabusog. Pero hindi masama kung magbaon ka ng biscuits, at least may pamatid gutom. At ang tubig sa gripo ng hotel, pwedeng ma-inom, hindi gaya sa atin. Maganda na magsahod ka ng tubig sa gripo at punuin mo ang bote ng minera water then baunin mo.
  • ashishiashishi Member PExer
    doolfreak, i'll be in paris feb 12 to 17 sayang d tau mgkakaabot..=)

    thanks sa info salman! mahal nga tlga noh imagine 600 pesos a meal! sana nman mbusog kme pra sulit nman ung bayad hehe!
  • salmansalman Member PExer
    Day 5

    Pansamantalang nahinto ang thread dahil lumabas ako ng Paris. Magiging OT kung isusulat ko dito ang karanasan ko sa sa suburbs- Houdan, Richebourg at Rambouilette. Pumunta din ako sa Amsterdam at marahil dapat sa hiwalay na thread ito masulat dahil kakaiba talaga ang lungsod na ito.

    Balik tayo sa Paris. Kanina, galing uli ako sa Richebourg para kunin ang maleta ko at sumakay ng train . Pabalik ako sa Left Bank Hotel at nagdesisyon ako na sumakay ng RER at metro. Mali ang desisyon ko. Sa paglakad pa lamang mula sa istayson ng tren sa suburbs, isa ng malaking hirap dahil hila hila ko ang maleta. Bumaba ako sa Montparnasse, isang napakalaking terminal ng tren. Dito pa lang nahirapan na ako dahil napakalayo ng lalakarin para makapunta sa metro. Maliban sa nakakahilo talaga ang metro ( pero ngayon, nakapag-adjust na ako), may mga lugar na walang escalator kaya hila hila ko ang maleta pababa at paakyat sa makikitid na hagdan. Dapat nag-taxi ako sa mula sa Montparnasse.

    Sa wakas, bumaba na ako at umakyat sa lagusan ng Odeon. Mas palagay ang loob ko sa Paris kaysa sa Amsterdam. Di masyadong malamig. Tumawid ako at ilang hakbang nasa hotel na ako, kagaya ng dati, sa Hotel Left Bank. Dahil suki na ako dito, binigyan ako ng mas mataas na kwarto at matagal ng nakipag-usap sa akin ang front desk clerk. Nagpahinga ako sandali at maya-maya, lumabas para mamili sa grocery. Medyo gamay ko na kaya namili na ako ng pagkain sa grocery- galleta ( sa atin, pie)- $4.50 Euro, clementine ( maliliit na orange) 2.50 Euro. Mas matipid ito kaysa laging magmeryenda sa labas.

    Maya=maya ay sinundo na ako ng kaibigan ko para kumain. Ibang-iba ang itsura ng mga Rue- halos lahat ng tao ay nasa kalsada- lahat ng bars ay puno, ito ang Friday night, gimik night sa atin. Ipinaliwanag ng kaibigan ko na nandito ang mga mayayamang tao kapag gabi ng Biyernes, mga empleyado at estudyante sa mga eskwelahan sa paligid. Niyaya ako ng kaibigan ko sa Bar du Marche. Laking gulat nya ng sabihin ko na galing na ako doon. Uminom kami sa katabing bar at pagkatapos, naglakad kami papunta sa St. Germain, bumili ng crepe na kinain habang naglalakad. Humantong kami sa isang bar sa tagiliran ng St. Sulpice ( ayaw talaga akong hiwalayan ng simbahang ito) uminom uli at kwentuhan na naman. Nang malasing na ako, nagyaya akong umuwi na pero bago ako inihatid sa hotel, pinilit nya akong dumaan sa Cafe Procoppe, ang pinakalumang cafe sa France ( 18th century) na pinagtambayan din nila Benjamin Franklin at mga lider ng Pransya noon. Sa hotel, ibinigay ko sa kanya ang pasalubong kong dried mango. Tuwang tuwa ang mokong. Pero alam kong alam mya ang presyo nito- walang pa sa 1/10 nang nainom naming alak.
  • cheacacheaca Member PExer
    Wow, nakakainggit naman, ang daming beses mo na nakapunta ng Paris. Isang beses pa alang ako nakapunta, noon nakaraang huling linggo ng Nobyembre. Sobrang ganda ng Paris! Kung papayagan ako gusto ko sana hilingin na mag-aral ng isang short-term na course sa isang Fashion School sa Paris para masmatagal ako sa Paris. Totoo yung sinabi ni KC na lahat talaga na kaayos ng maganda, pati mga ilaw. Nandoon kami noong inilawan ang hilera ng mga puno sa Avenue des Champs Elysees. Na-traffic kami noon kaya nasaksihan namin ang pag-ilaw ng mga Christmas lights. Ang daming tao na tumawid sa gitna para makuhanan ang ganda ng Avenue des Champs Elysees. Kinuhanan ko pa nga ng video yung isang puno para remembrance.

    Food: Madalas kami kumain sa isang Chinese Resto kasi ang bill namin palagi is 28-33Euros. Apat na kami don at madalas na may tira pa kami. Nagsawa kasi kami sa pizza, pasta at bread sa Roma. Hahanapin ko yung brochure ng resto na yon para ma-share ko sa inyo at makatipid din kayo.

    Hotel: Nagstay kami sa Hotel Pavillon Monceau. Isa siyang 3-star hotel na may magandang lokasyon at mura pa nga renta. Madalas namin sakyan ang Bus 31 para makapunta sa Avenue des Champs Elysees.

    Tour Bus: Para makatipid kayo sa paglibot sumakay kayo ng Les Cars Rouges. May isa siyang bus stop across Arc De Triomphe, malapit sa Cartier na shop along Avenue des Champs Elysees. Hop On- Hop Off tour bus.

    I will share more info next time. :)
  • nuts4travelnuts4travel Member PExer
    wow! buti pa kayo, kelan lang galing sa france - ako it's been awhile na, mga 7 yrs. na. maganda talaga ang france & i like that it's so full of history - definitely adds to the allure of the place.

    pumunta rin ba kayo sa montmartre? nagustuhan ko rin doon. gusto ko yung bohemian atmosphere & the fact na its square is so popular w/ painters, portrait artists & caricaturists. the likes of cezanne, van gogh, degas, delacroix, corot, renoir, manet & toulouse-lautrec amongst others used to hang out doon. most of their works depicted montmartre's bohemian atmosphere.

    na-miss ko tuloy ang france. i know that this is a thread for paris, pero gusto ko rin i-mention that i also love the south of france. for me ibang-iba naman ang flavor nito compared to paris. i'd say that the south puts the charm in "old world charm". haaayyy, kindles the wanderlust na naman itong thread mo salman...but i definitely love it!

    do share more of your experiences salman, nene & cheaca & do keep us posted later doolfreak & ashishi. ;)
  • salmansalman Member PExer
    DAY 6

    Maganda ang sikat ng araw. Bumili ako ng 2-day pass at pati na rin ng ticket sa L'Open Tour ( tour bus) valid din for 2 days. Gaya ng sinakyan ni Cheaca, ito ay hop on hop off tourist bus. Pumunta ako sa Eiffel thru metro at sumampa sa green bus. Di gaya ng 2004, mas maayos na ang audio ng green bus na ito. Natapos ako sa pag-ikot bandang hapon na.

    Matapos ito, pinasyalan ko ang isang PInay na nagtatrabaho sa Paris. Pinakain nya ako ng napakasarap na sinigang na baka. Ikinwento nya ang buhay sa Paris- malungkot pero masaya na rin dahil may naiipon hindi kagaya sa Pinas. Bago ako umalis, nagsabi na siya ana makikipadala daw sya sa akin ( talagang there is no such thing as free lunch, hehehe).

    Ako naman ang dinalaw ng Pinay na sinasabi ko. Daladala na nya ang mga ipinakikisuyo nyang dalhin ko sa Pinas. Kinagabihan, kumain ako sa isang Chinese restaurant- buffet ang halaga 10.50 euro.Mura na.

    Kinagabihan, sinundo naman ako ng mga kaibigan kong Pranses para mag-dinner. Ilalayo daw nila ako sa Paris Quarter ( lugar ko ). Dinala nila ako sa Latin Quarter na malapit lang naman pala. Ito ay nasa may St. Michel halos kaharap ng Notre Dame. Pinasok namin ang isang makitid na kalsada at bumulaga sa akin ang pagkadami-daming tao at restawran. Iba ang crowd dito kaysa sa St. germain. Kung doon mga chi-chi ang parukyano, dito mga bata, karamihan ay estudyante, at mga turista. Mas buhay ang lugar at dahil mga estudyante, maraming street performances- may kumakanta, sumasayaw, nagpapakita ng galing sa pagbali ng mga metal at ginawang kung anu-anong hugis. May mga nagpipinta din. Iba-iba ang specialty ng mga restawran dito- greek, italian, traditional french, asian, at kung anu-ano pa. Pumasok kami sa traditional french at umorder sila ng fondue at mga karne. Umorder din kami ng red wine. Napakasarap talaga ng pagkain lalo na't libre ( hindi ko pa alam kung ano ang kapalit nito. Pauwi, binaybay lang namin ang quai sa may tabing ilog. Alas dose na pero napakarami pa ng tao. At ang mga ilaw, napakaganda. Di ba't ito nga ang City of Lights. Sa daan, tuwang tuwa ang dalawang Pranses dahil tinuturuan ko sila ng mga pangalan ng iba-ibang tulay na tumatawid sa Seine. Sila daw, hindi nila alam ang mga pangalan ng mga ito. Pero bumawi ang isa, sa 'Pinas daw, sila naman ang nagturo sa akin ng mga pangalan ng mga club sa Aurora Blvd. sa may Cubao. Ang buhay nga naman.

    DAY 7

    Sinunod ko ang sinabi ni Nuts, pumunta ako sa Montmartre. Maganda talaga ang lugar na ito- bohemian ang ambiance. Ang totoo, dito ako dapat nag check-in, sa Hotel Chopin- isang lumang hotel sa loob ng bazaar. Naubusan lang ako ng kwarto at ang ibinibigay sa akin, ang CR nasa labas. Napabuti naman at napunta nga ako sa Left Bank. Umakyat ako sa Sacre Cour. Napakadaming tao dahil linggo. Pumasok ako sa simbahan kaya lang, dahil pranses ang wikang ginagamit sa misa, hindi rin ako nagtagal. Sumakay na lang uli ako sa tour bus at muling nag-ikot. Siyanga pala, sa Monmartre mura ang mga pasalubong, dito na ako bumili.
  • cheacacheaca Member PExer
    Hey nuts4travel! Nahirapan ako i-quote yung reply mo sakin kaya i-hey na lang kita. Madami kami hindi napuntahan sa Paris kasi sandali lang kami don tsaka kasama namin yung Mom ko, e seasoned citizen na siya at super lamig sa Paris kaya hindi kami masyado naglibot. Sa mga typical tourist spots lang talaga. Kaya nga gusto ko within 3years makabalik ulit sa Paris kasi nabitin ako at ang ganda ganda talaga ng Paris. Ang takot ko lang baka mag-isa lang ako kaya nag-aaral na ako paunti-unti ng French. hehehe :)

    Sana magpost ng pics si salman ng trip niya sa Paris. :)
  • yulruzyulruz ?a veut dire quoi? PExer
    hello everyone in Paris. I will be there tomorrow up to Sunday (May 24-25) for a city trip. It's my first time to travel around there so will appreciate your tips on restaurant, places to go to (aside from eiffel, louvre, and arc de triomphe, of course), convenient transpo (bus/tram for day trip?), and many others...

    I will be traveling with my two friends and we'll stay in Charing Cross in rue Pasquier. We'll come all the way from Geneve and arrived in Gare de Lyon...

    Merci et bonjourne!
  • mariadamsmariadams www.mariadams.com PEx Veteran ⭐⭐
    hi yulruz, so finally you are on the road!

    About Paris, go back to Travel and Leisure Index and look for "Paris Itinerary"...and when you get to the city, find a tourist office and ask for their free booklet "Le Carnet Gourmand" (The Parisians' Dining Address Book). Now if you're on a budget, look for Flunch serve-yourself restaurant, there are branches of it around Paris.

    Good luck!
    (oh by the way, Mondays are usually closed in most establishments, don't ask me why, but's that's France!)
  • yulruzyulruz ?a veut dire quoi? PExer
    thanks Mariadams for a very fast response.. :)
    about tram/bus ticket for day trip , would this be available in gare de lyon? museum entance fees or la carte mus??, is this also available, for how much?
  • mariadamsmariadams www.mariadams.com PEx Veteran ⭐⭐
    ^^you only have to use one kind of ticket to be able to use the metro, tram, bus....and it's available in all the train stations (Gare du Lyon is one). For a day trip - unlimited rides from 7am to midnight, buy the Paris Visite Card for ONE day. But you must buy it only on the day you want to use it, to cover Zone 1-3 which is just Paris Centre. If you want to include Versailles, Disneyland and airport, then it's Zone 1-5.

    Please refer to Parisinfo.com for more info.

Leave a Comment

BoldItalicStrikethroughOrdered listUnordered list
Emoji
Image
Align leftAlign centerAlign rightToggle HTML viewToggle full pageToggle lights
Drop image/file