Di ko na alam kung saang baul ng harddisk ko nahalukay 'tong picture na 'to. Nakakatawa lang na makita ko na medyo babyface pa kami dito. Magtatatlong taon narin pala kami ni bestfriend at di ko maimagine na mapapasama siya sa circle of friends ko ng ganun nalang. Hindi ko na matandaan yung eksaktong date basta naging mag bestfriend na kaagad kami nung sinabi ko.
Di ko inaasahan na magtatagal ang friendship namin na nagsimula lang sa isang donut at shake. Oo, binigyan ko siya ng pagkain at simula 'non, friends na kami. Binilhan ko kasi siya 'non nung naubusan ako ng white acrylic paint at siya yung nagvolunteer na bumili at magprimer sa canvas ko para di madumihan uniform ko.
"Bestfriend na kita ha?"
Sabay abot ko ng donut at shake niya. With matching paawang facial expression pa. Biruin mo na sa simpleng pang uuto ko lang naging kaibigan ko na siya? Pero ewan ko rin kung bakit simula palang ang gaan na kaagad ng loob ko sa kanya. Na kahit misyon na niya sa buhay ang pagiging alaskador eh ok lang. Siguro kasi dahil ang gaan niyang kausap at totoong tao siya. Hindi na kailangan ng kahit ano pang requirement para maging kaibigan mo siya.
Sa tatlong taon naming magkaibigan sa totoo lang ang dami kong gustong sabihin sa kanya. Na kahit di ko pa sinasabi alam ko na kaagad magiging reaksyon niya. Mukha ba talaga akong komedyante kahit Regal drama hour na? O paraan lang niya yon para di mabigat yung usapan?
Pero kahit na ganon nakakatuwang to the rescue kagad siya kapag kailangan ko. Siya yung tipo ng kaibigan na pwede mong katukin ng madaling araw kapag kailangan mo. Di ko na mabilang yung ilang beses na pumuslit siya sa trabaho o sa iba pa niyang lakad tuwing may mababalitaan siyang di maganda tungkol sakin. Lalo na nung siya ang nagdala ng mga gamit sa ospital nung nastroke si mama at naisipan niyang mag overtime nung araw na yon pero kasama namin siya. Yung pagdadala niya ng malalaki at mabibigat na canvas ko noon kapag kailangan sa school. Yung paghintay niya sa kanto kapag alam niyang gagabihin ako. Minsan nandyan na pala sa tapat ng bahay namin maisipan lang niya.
Magaling din tumiming oo. May radar ata sa katawan at nasesense niya kaagad pag di ako ok. Bigla nalang magpaparamdam kahit di ko sabihin. Alam na niya ata ugali kong di ko siya iistorbohin kung makikinig lang siya sa mga nonsense na problema ko. Pero sa tuwing kailangan ko ng kausap at karamay, di ko man sabihin pero andyan na kagad siya. Malakas nga ata talaga koneksyon niya sakin at updated siya lagi sa mga nangyayari sa buhay ko.
Nakakatawa kung paano siya pagselosan ng mga nanligaw sa akin noon kaya simula 'non di ko na siya kinekwento. Hindi siya nakikialam sa lablayp ko pero handa siyang magbigay ng mga payo 'pag kinailangan ko. Pag nasaktan ulit ako panlalait nanaman aabutin ko.
"Ayan kasi, nag-aral ng four year course hindi nag iisip. Inlab ngayon mamayang konti brokenhearted nanaman".
"Nagtataka ako sayo. Apat na nga mata mo, love is blind parin?".
Pero pagkatapos ng walang prenong sermon, sa bandang huli pambobolang pampalubag loob ang pambawi niya.
"Ok lang yan, maganda ka naman at mabait pa isipin mo nalang di nila kayang abutin yung pinakamataas na mansanas kaya sila bumagsak".
Yun ang madalas niyang sabihin na mauuto naman ako.
"Pautang nga" sabay bawi na parang mapresyo ang bawat bola niya. Pagkatapos nun back to normal na ulit; walang katapusang asaran na parang si Simsimi lang ang kausap.
***
Bakit nga ba hindi nalang siya?
Yun din ang tanong ko. Siguro kasi alam kong nandyan lang siya? Alam kong kaya niyang maghintay at nagawa na niya 'yon ilang beses na? O siguro natatakot lang ako na dumating yung pagkakataon na posibleng mawala siya sa akin magkalabuan man.
Ayoko siyang maging parte ng nakaraan ko na ayokong binabalik balikan pa. Masaya na siguro ako na ganito nalang, masaya. Di naman ako nagmamadali sa mga ganung bagay maging ganun din siya. Pagdating sa akin favorite hobby na raw niya ang maghintay sabi niya.
Kung mababasa mo man 'to bestfriend pasensya na't mag eemote muna ako ha? Gusto ko lang magpasalamat sa lahat. Na parati kang nandyan kahit di ko tawagin. Siguro kung wala kang radar malamang matagal na tayong hindi magkaibigan. Kahit na walang araw na di mo ko pinipikon, kahit na major in pambobola't pang aasar ka, kahit na ok lang sayo hampas hampasin kita pag nagpapatawa ka, kahit na nagpapaka-Attorney ka at ayaw mo rin patalo sa mga paliwanag ko, kahit na kabisado mo na maging balunbalunan ko at alam mo lahat ng deepest darkest secrets ko. :-) Kahit na minsan masakit sa tenga mga pangaral mo...
Kahit na ganun ka, wala... ganun ka talaga eh :-)
Di ko pinagsisisihang naging kaibigan kita. Sa 3 years nating magkaibigan sana ganito nalang tayo. Sana di ka na mawala.
O bestfriend wag kang kiligan ha? Tanders ka na, di ka na pang PBB Teens :-)
Panahon nalang siguro magsasabi kung kailan. Sa ngayon, enjoy pa akong ganito lang. Masaya. Di naman siguro kailangang maging kayo pa bago mo masabing mahal mo siya at mahalaga siya sa buhay mo. Tama ba?
Kahapon lang binilhan niya ko ng isang box ng donut. Sabay tanong ng kahalintulad ng tanong ko tatlong taon na ang nakakalipas. Parang bumalik kami nung una ko siyang nakilala.
"Girlfriend na kita ha?"
"Ang sarap nitong dalawang donut no?" nakangiting sagot ko habang hawak ko ang dalawang donut sa magkabilang kamay ko.
Hindi ko masasabing sapilitan ang tanong niya at dinaan lang niya ko sa pagkain sa kabila ng mga sakripisyo niya. Alam na niya ang sagot ko nang makita kong nag-iba ang aura niya na para bang jumackpot sa lotto.
"Ganun pala pakiramdam kapag matagal kang naghintay, sobrang sarap sa pakiramdam kapag naging kayo na" pagmamalaki niya.
"Hindi ko sasayangin ang pagkakataon. Magtiwala ka lang, pangako".
***
Happy 3 years sa bestfriend kong si Adrian![]()








Reply With Quote
Unless you bat for the other team.













