Pilipinas, maghahain ng diplomatic protest vs. China
By Erik Tenedero, dzmm.com.ph | 14:41 PM 04/11/2012
Maghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos mahuling ilegal na nangingisda ang walong Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, nakausap na niya si Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing at kaniyang iginiit na sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal.
"I made it clear that Scarborough Shoal is an integral part of the Philippines and is well within the country's 200 nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) and Continental Shelf."
Pero kinontra ito ng China at iginiit na pag-aari nila ang bahagi ng Scarborough kaya dapat umalis ang pwersa ng Pilipinas doon at tigilan na ang ilegal na mga aktibidad.
Sinabi naman ni Del Rosario na malinaw na naaktuhan ang mga Chinese na ilegal na nangingisda sa teritoryo ng Pilipinas at natuklasang naglalaman ng corals, giant clams at mga buhay na pating ang walong Chinese fishing vessel.
Maliwanag aniyang isinasaad sa international law na sakop ng Pilipinas ang Scarborough Shoal kaya nakahanda ang Philippine Navy na ipagtanggol ang karapatan ng bansa dito.
"Under international law, we have sovereignty and sovereign rights over Scarborough Shoal. Finally, I mentioned that the Philippines is prepared to secure our sovereignty."
Sa ngayon, napaliwanagan na aniya si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa sitwasyon at nais nito nang isang mapayapa at diplomatikong solusyon sa problema.
Siniguro naman ni Philippine Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama na patuloy na nakaantabay ang BRP Gregorio del Pilar para siguruhing nababantayan ang teritoryo ng Pilipinas.
Sa ngayon, nananatili pa ring naggigirian ang BRP Gregorio del Pilar at ang dalawang Chinese maritime surveillance ship sa Scarborough Shoal matapos nitong pigilan ang pag-aresto sa mga mangingisdang Chinese.
Ayon naman kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Edmund Tan, magde-deploy sila ng mga vessel para patuloy na ma-monitor ang sitwasyon sa Scarborough Shoal.
Umaasa naman si Del Rosario na patuloy na makikipag-ugnayan ang Chinese Embassy para maayos ang gusot.








Reply With Quote













