Lorna Tolentino at Tonton Gutierrez, may mga kundisyon bago tinanggap ang alok ng TV5!
Monday, September 5, 2011, 1:07Mga Mata ni Lolita
INAAYOS NA NGAYON ng TV5 ang drama series na gagawin nila para kay Lorna Tolentino.
Kasama rin dito ang isa ko pang alagang si Tonton Gutierrez na ngayon pa lang ay sinasabi na niya sa aking mga light role lang daw ang gagampanan niya. Ayaw na raw niya ng sobrang heavy dahil napagod daw siya nang husto sa ginawa niya sa Minsan Lang Kita Iibigin.
Minsan nga, napag-usapan namin, kinukumbinsi ko siyang bumili na ng bahay dahil nakapag-ipon na rin naman siya. Puwede na niyang iutang sa bangko ang iba, ‘di ba?
Naku ayaw niya dahil ayaw daw niyang ma-stress pa nang husto. Nakaka-pressure daw ang may utang kaya okay na sa kanya ang bahay niya ngayon, kahit lumalaki na ang anak nilang si Aneeza at magkakaroon na sila ng panibagong baby.
Kaya nga raw pati sa mga role na ginagampanan niya ay gusto na rin niya ‘yung magaan lang kahit support lang dahil sa edad daw niyang ‘yun, dapat wala nang pressure o stress at baka maging sanhi pa iyan ng Cancer, ‘di ba? May point naman ang hitad kaya hinayaan ko na lang.
Ang isa pang gusto niya, mahirap ang role para hindi na siya mamumroblema ng susuotin. Kaya ‘yun ang mga kundisyones niya bago nito tinanggap ang offer ng TV5.
Si Lorna naman ay gusto niya mabasa muna ang script. Mag-usap daw muna sila ng direktor na si Eric Quizon para alam niya kung ano ang takbo ng kuwento at kung ano ang significance sa kuwento ng role na ginagampanan niya.
Ganyan na ngayon ang drama nila pagkatapos ng napakabigat at in fairness, maganda namang teleserye nila sa ABS-CBN 2 na Minsan Lang Kita Iibigin.
Medyo madugo raw itong bagong series na gagawin sa TV5 na may tentative title na Glamorosa kaya pinaghahandaan nila ito nang husto at pinag-aaralan ang bawat karakter sa kuwento.
Hindi naman hinahangad ni Lorna na maging kasing-ganda ng huli niyang ginawang Minsan. Pero sana maganda naman at kapani-paniwala ang kuwento.









Reply With Quote













