Letran tungo sa pag-unlad
(Talumpati ni Padre Tamerlane R. Lana, O.P. noong kombokasyon para sa buwan ng Agosto)
by Padre Tamerlane R. Lana, O.P. - Letran News August 2007
Ang buwan ng Agosto ay nakatalaga sa ating bansa bilang “Buwan ng Wika.” Ang pagdiriwang na ito ay pagbibigay parangal din sa isang kilalang Letranista, ang naging Pangulo ng “Philippine Commonwealth”, si Manuel L. Quezon, na tinagurian din natin na “Ama ng Wikang Pambansa.” Bahagi ng tradisyon ng Letran na magkaroon ng misa at salu-salo kasama ng kamag-anak ni Pangulong Quezon sa kanyang kaarawan, pagdating ng ikalabing siyam ng Agosto. Subalit, sa taong ito ay ating pinagpaliban ang naturang tradisyong dahil sa nagdaang bagyo at baha na kung saan maraming mga kababayan natin ang nasalanta at nawalan ng ari-arian. Hiniling ng anak ni Manuel na si Nini na ibahagi na lamang sa mga biktima ang anumang pagsasaluhan sa araw na iyon. Tunay ngang naging lalong makahulugan ang pagdiriwang ng kaarawan ni Quezon sa pamamagitan ng pagdamay sa mga taong nangangailangan sa panahon ng kalamidad. Sa aking palagay, ito ay isang bagay na lubhang ikinalugod ng ating minamahal na si Manuel Quezon. Para sa mga Letranista ang magandang halimbawa ay dapat maging paalala sa ating lahat ng sagradong misyon ng ating Colegio na maglingkod sa ating kababayan lalo na sa panahon ng kahirapan at kagipitan.
Sa aking pagninilay kung ano ang magiging paksa ng aking mensahe ay natuon ang aking pansin sa mga malalaking kataga na nakatitik sa tarpaulin sa loob ng ating kampus na nagsasabing: “This is an English speaking campus.” Ikinalugod ng maraming nakakatanda nating alumni nang mabasa nila ang poster dahil sa ito’y nagbigay ala-ala ng kanilang panahon nang sila’y mga estudyante pa ng Letran. Mahigpit daw ang kampanya nila sa pagbigkas ng wikang Ingles sa kanilang kapanahunan. Subalit napuna kaagad nila ang kakulangan ng implementasyon ng kampanyang ito. Sana naman daw kahit ang mga gwardya ay matuto ng mga simpleng salita ng pagbati sa Ingles para sa mga panauhin ng Colegio. Dahit dito marami ang eseptiko sa patakaran ng pagsasalita ng Ingles sa kampus. Mayroon nang mga nagbibiro at nagbigay ng panukala na baguhin o dagdagan ang mga kataga ng kampanya katulad ng: “This is an English speaking campus. Only the campus speaks English, not the people in the campus.” Sabi ng isang kasamahan namin sa komunidad ng mga Dominiko: “This is an English speaking campus. The Rector speaks English.” O kaya naman: “This is a t.h. (trying hard) English speaking campus.” Kahit ano pa mang balakid sa ating pagsusumikap na matuto ng wikang Ingles, ay wala tayong balak na itigil ang ating kampanya sapagkat hindi natin maipagkakaila ang kahalagan nito sa edukasyon ng mga Letranista at sa kanilang paghahanda sa pagharap sa mga hamon na naghihintay sa kanila sa ating kompetitibong lipunan.
Samakatuwid, ang ating pagiging seryoso sa ating kampanya sa wikang Ingles ay hindi nangangahulugan na hindi na natin binibigyan ng halaga ang ating wikang Pilipino. Hindi nangangahulugan na tayo ay masahol pa sa mga isdang bilasa. Ayon sa sinabi ni Jose Rizal: “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda”. Ang pagmamahal sa sariling wika ay hindi nangangahulugan ng pagtanggi sa iba. Hindi kaila na si Quezon ay multilingual. Bihasa siya sa Espanol at Ingles. Marami ring alam na wika ang ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Ganoon pa man, nanatiling silang tunay na patriotiko, mga magigiting na mamamayan na nagmahal sa ating lupang sinilangan.
Ang kampanya natin para sa wikang Ingles ay karagdagan sa ating disiplina bilang mga Letranista. Ang mga Letranista ay hindi dapat masiyahan sa pagiging karaniwan lamang. Kung ang karamihan ay nasisiyahan sa paglakad lamang, sila ay dapat tumakbo. Kung ang karamihan ay nasisiyahan lamang sa pagtakbo, sila ay dapat lumipad! Kung ang karamihan ay masaya na sa “Taglish” o “Englog”, dapat na ang mga Letranista ay matutong magsalita ng tuwid na Ingles at tuwid na Tagalog. Kung ang marami ay masaya na sa pagiging “arte-kulit” (maarte at makulit) ang mga Letranista ay dapat maging totoong “articulate”, hinahangaan sa kanilang pagsasalita, pagpapahayag ng magandang balita ng Diyos at ng diwa at halaga ng Letranismo. At bago natin malimutan, ating pakatandaan na ang mga Letranites (Letran-knights) ay nakatalagang maging magigiting na mga mandirigma. Ang pakikibaka ay nandoon sa lipunan, sa mga hamon na kanilang haharapin. At ang paghahanda ay dapat mangyari dito sa Letran. Kaya’t sa Letran, dapat walang makupad, sa Letran dapat walang tamad.








Reply With Quote










