PEx Highlights

PHOTOS: TNT Dismantle NLEX to Get First Win

The Talk N Text Tropang Texters made quick work of the NLEX Road Warriors, getting their first win of the Phillipine Cup, 103-81.

read more

Solo Backpackers: Get Up and Go!

Planning to escape the rigors of the metro soon? Join the Solo Backpackers thread and get insights and tips from fellow PExers about traveling alone!

read more

Big Hero 6 Pins!

New movie pin alert! Join the movie discussion thread and collect all five Big Hero 6 pins!

read more

REVIEW: Fury

Brad Pitt, alongside Shia Labeouf and Logan Lerman, hates Nazis once more, save the scalps.

read more

PHOTOS: Rain or Shine Rallies Past Blackwater

The Rain or Shine Elasto Painters avoided an upset loss to the Blackwater Elite thanks to a late rally in the 4th quarter, 82-75.

read more

PBA: Still 'Liga ng Bayan' after 40 Years

We list down ten compelling reasons, on why the PBA has remained relevant to Filipinos today since its inception in 1975.

read more

Page 1 of 2 1 2 LastLast
Results 1 to 20 of 22
  1. #1

    Mga Tula ng Himagsikan

    ANG MGA KRIMINAL

    ni Mulong Sandoval

    Naririto sila,

    kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.

    Bumbunan ay helmet,

    mga mata’y bala ng kanyon—

    bola ng dolyar at piso—

    kanila ang bungangang bihasang pumakakak

    na bulak ang uwak

    at uling ang tagak.

    Sa bawat daliring punlo ang kuko,

    tantuing pawis nati’t luha

    ang ipinanghihinaw at ipinampapabango.

    Damit nila ay hinabi

    sa mga himaymay ng gutay na laman,

    at kimpalkimpal na dugo

    ang insinya’t burdang nakabudbod sa kwelyo at manggas,

    lama’t dugo ng laksang anakpawis at kapanalig

    na kanilang bineberdugo.

    Gulong ng tanke ang ikinukubli ng suot nilang sapatos

    na pinakintab sa mga butong pinulbos.



    Sila ang kriminal,

    Sila ang kriminal at di kailanman

    Ang libong katawa’t hiningang ipinipiit nila’t pinupugto.



    Naririto sila,

    kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.

    Ilatag ang mga halimaw, ipaskil

    sa lahat ng dingding, haligi, bubong at sahig

    ng utak nati’t puso:

    ilatag at ipaskil saanman

    at kulapulan man ng mga kalburong galamay ng mga kriminal

    ay huwag na huwag ipakatkay sa panahon

    Ihaginit ang ating mga bibig:

    sa mga opyo nilang balita,

    puwit-basong proyekto ay itudla.

    Bistayin ng sumpa ang kanilang bastyon.

    Hayaang dugo’y sumulak

    aa ating mga ugat,

    maggubat sa apoy

    ang ating mga bungo’t dibdib.

    Ihabagat ang angaw nating braso, paalimbukayin, idaluyong—

    angaw na brasong sa karampot na kriminal

    ay magbubuwal, tatabon, lulunod.



    Mayo 1977


    ROMULO A. SANDOVAL
    26 Hulyo 1950 -
    8 Pebrero 1997

    Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa wika at imahen, progresibo't makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata.

    Siya'y tubong Bauan, Batangas.

  2. #2
    PAGKAT TAYO'Y NAGMAMAHAL



    Napopoot tayo pagkat nagmamahal:

    pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang—

    tulad ng turnilyo—ng obrerong bukal

    ng ating hininga; sa pangangalirang.



    lalo kung gapasan, niyang nagpapala

    sa mga pinitak; sa pag-uumuga

    ng buto-at-balat: ang kalakhang dukha

    na ikinadena sa asin at luha.



    Kaya’t sumusubo ang hurno ng utak,

    ang apoy sa puso’y lipyang tumatalas—

    paniwala’t pasyang pinapaling lakas

    na sa nang-aapi’y ukol ipang-aklas.



    Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal;

    nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.



    Hulyo 1977

  3. #3
    KANTA SA GABI
    Napapanis ang laway ng dyukbaks
    kahit walang patid ang ngawa ni Papin.
    Kabuntot ng ngasab ng kas redyister,
    humahalakhak, sa restoran, ang Coke at San Miguel;
    sa tuktok ng mga bilding, naghuhuntahan ang GE, Sony, Mitsubishi;
    sumisinghal sa loob ng mga tangke ang Caltex at Petron:
    ano't tila pinutlan ng dila ang gabi?
    Sa iniaanunsyong "Lunsod ng Tao,"
    pananahimik ito ng simenteryo.
    Walang ingay, liban sa gumugulong na piso, paimburnal,
    liban sa duguang dura na humalik sa burak.

    Enero 1981

  4. #4
    GABI, SA ISANG KAPIHAN
    Sa isang kubling kulubot
    ng dibdib ng Lunsod,
    ang kapihang ito ay sasakyang nakahimpil,
    siksika't kubkob ng dilim
    na kagampan sa bulong balumbon-usok kalampag
    buntunghininga bungisngis yabag paswit tungayaw...
    Manakanaka'y may mamumukod na halakhak o hagikgik.
    Marahil, may bagong balita. O lumang ulat:
    karanasan ni Ureta na di mapanispanis?
    At tuwina, anumang pagmumuni'y gugulantangin
    ng isang awiting may himig at lirikang manunugat,
    manunugat nang malalim.
    At kasabay ng awiti'y uusalin
    ng bawat isa ang kung anuanong hinakdal,
    habang ang mga matang tila holeng nagliliyab
    ay dinadaluhong ng makapal na asap.

    Litanya ng hinanakit
    ng mga dantaoong sinaklot ng lupit:
    litanya ng lipak


    litanya ng halas
    litanya ng pawis
    litanya ng putik.
    Litanya ng ungol, hampas
    ng sanlaksang kulog at sanlaksang kidlat.

    At sapagkat bawat isa
    ay nakakaalam,
    bawat isa'y magsasakdal:
    Ganito na ang balat,
    ang pilik ay pilak
    ng lobo na ngayo'y lalong nabubundat
    sa dugo ng angaw.
    Ahas ay naghunos, nanatiling ahas.

    Hindi tadhana ni aksidente
    na tayo'y nilinlang, iniligaw ng mga tikbalang
    at ipinaghele ng adarna;
    hindi tadhana ni aksidente
    na pagkaraa'y nagising tayong binibiktima
    ng tatlong dambuhalang gagamba;
    hindi tadhana ni aksidente
    na sa huli'y ating mapuksa,
    mapuksa ang libo mang may sapot na pakana:
    hindi tadhana ni aksidente,
    kundi batas ng kasaysayan.

    Tatoong kayraming karanasang kapit-tuko sa gunita,
    at gamalay-pugita
    ang mga pamahii't mitong dapat piglasan ng diwa.
    Ngunit mga mata'y pahihilam na lamang ba sa usok ng Philip?
    Ano't hahayaang ningas nati'y daigin ng dilim,
    sumpa nati'y hadlangan ng pader,
    bigwas nati'y sa hangin sumapol?
    A, hindi ito panahon ng pagdadalawang-loob,
    hindi ito panahon ng pag-aatubili't pagkatakot.

    Setyembre 1973

  5. #5
    SUGAT



    Puso,

    kadkad ng gabi, sa pag-usad

    ay nasasanggi mo ang mga aninong humihingi ng sindi,

    o nang-aapuhap ng ngiti;

    nasasampid ka sa naghambalang na kalansay,

    granateng latay sa kalye’t bangketang abuhin:

    sugat sa sugat:

    at tumitinding hapdi,

    walang taros ka pang iiwain ng dilim.



    Sa breykwater,

    abot-tanaw ang gang ng mga bilding,

    sabwatan ng ngisi’t halakhak

    sa gitna ng paglalamay ng malibag na tagaktak ng pawis,

    iniiwasan mong kausapin ang nangungulilang mga palmera,

    usisain sa katuturan ng nagugutay na mga palapa,

    ng mga punong bumubulagta.

    Nais mong patulugin ka ng plawta ng hangin,

    samatalang lumulugso, tumitilapon ang mga iskapolding at istilbar;

    sa harap mo’y naglalaglagan ang mga gulanit na gris:

    bulusok ang simento,

    dugong umuuho,

    at sa paanan mo’y naglalawa,

    sa mga lasog na tabla’t pampalitada’y lumulunod.

    Umaalimbukay ang mga katawan,

    kimpalkimpal na lipak, umaalipato

    sa sibasib ng unipormeng nag-uulap sa pulbura,

    at hinihilam ka ng inuulilang mga paslit,

    luhang gulilat sa bunton ng tupok na hininga.

    Umuungol ang dagat,

    kagampan sa alimpuyo, habang hinihigop

    ang umaagos na antak.



    Puso,

    sugat sa dibdib ng magdamag,

    kirot na di maampat ng gasa ng buwan,

    tigmakin ka ng sigwang sa iyo’y maglalanggas,

    darangin ng araw na sa iyo’y magpapahilom.



    Enero 1982

  6. #6
    TUMATAYOG, LUMALAWAK ANG MGA BILDING AT RESORT

    Habang naninila ang mga turista,

    negosyanteng Amerkano,

    Hapones, Aleman,

    luwa-matang nananagpang

    bg abubot

    at tanawing katutubo

    bukod pa sa likas na yaman ng bayan,

    may tulirong inang nag-alok ng sanggol,

    ng sariling sanggol,

    sa Ermita, dahil ayaw

    na ang kanyang bunso’y dilat na tupukin

    ng apoy ng lagnat.

    At nagtatayugan, nangagsisilawak

    ang commercial complex, ang hotel at resort

    ang convention center.

    Palotsinang kahon, kalawanging pala na sinunungsunong

    ay tumapon

    nang ang sintusinto’y tumpok ng basahan,

    tumpok ng basahang

    masagasa

    ng itim na kotse sa Welcome Rotunda;

    samantala, sa Batasan

    ay nagbabangayan sa piling pusisyon

    ang sandakot

    na de-susing pulitiko.

    At nagtatayugan, nangagsisilawak

    ang commercial complex, ang hotel at resort,

    ang convention center.

    Sa Constitution Hill—kapirasong lungaw

    na pinagtapunan

    sa nakararaming ayaw bigyang-puwang sa bayang sarili,

    tambakang ang laging nangagbabangkete’t

    nabubundat

    at ang mauugong na bangaw at langaw—

    may gusgusing ingkong,

    lupagi sa lupang sahig-barumbarong,

    na nakitang

    ngumangatngat nang tulala

    sa bituka’y atay ng bangkay ng apong namatay sa gutom.

    At nagtatayugan, nangagsisilawak

    ang commercial complex, ang hotel at resort,

    ang convention center.

    Pinatalsik

    ng poong-maylupa sa sukarera,

    o tulad ng kapwa dustang magbubukid

    ay kinulimbatan ng tahana’t lupa

    ng isang higanteng dayong korporasyon;

    katutuntong lamang sa lubak ng lunsod

    magbuhat sa dawag ng iniwang baryo;

    walang ipakai’t makain ay wala,

    isang ama ang naghampas

    ng ulo ng anak sa pader ng Recto

    habang hawakhawak ang dalawang paa.

    At nagtatayugan, nangagsisilawak

    ang commercial complex, ang hotel at resort,

    ang convention center.

    Sa liyab ng sunog sa isang pabrika sa South Diversion Road,

    mga manggagawa’y pilit kinapkapan

    bago palabasin;

    maraming nagasak;

    maraming nasawi, tigmak pa ng pawis,

    nang mangagsitalon mula sa mataas na mga palapag,

    at ang inilimos ng kapitalista—

    ng kapitalistang ayon sa dekreto’y bawal pagwelgahan—

    ay hindi pa maibili ng abang kabaong.

    At nagtatayugan, nangagsisilawak

    ang commercial complex, ang hotel at resort,

    ang convention center.

  7. #7
    ABO NG ULILANG TALA, LIYAB NG ANGAW NA PIKO AT LINGKAW

    Taglamig ang pag-iisa,

    at siya’y nangangaligkig,

    nangangaligkig sa sulok na sinasalab

    ng alkohol at pulang bumbilya

    habang nagmamadaling-araw.

    Ano’ng silbi ng paghahalukipkip?

    Sa mga himaymay niya ay kilabot pang umaagos,

    sintiyak ng takipsilim, ang limahid na lalaking minsa’y nalampasan,

    yapak, nakatayong nakapamulsa, matiim na nakatitig

    sa isang blangko, abuhing pader.



    Karbon at kugon:

    di niya maiwasang masdan,

    di maiwasang gunitain ang mga likod at balikat

    na tumatagaktak, nanggigitata sa dalita,

    ang mga lalamunang sa utang ay nagnanaknak,

    ang mga basahang di malabhan ng habag

    at tagpian man ng sutla’y basahang hahambalang,

    ang mga dampang winiwindang ng baston, dolyar, talumpati

    Di niya maiwasang ulinigin

    ang mga kulumpon ng pighating humahalo sa pinagpupuyatang pait.



    Ay, waterliling nililingkis ng burak,

    mirasol na dinadaklot ng alapaap:

    dampol, sa ulirat,

    ng mga kumpol ng hiningang sumusuray,

    sumusuray sa makina at pinitak, dawag at aspalto.

    Babad sa dilim, mata siyang nakaiino

    sa pagwasiwas ng kanilang mga talulot, sumusulak sa liwanag

    bago sila matimbuwang.



    Martilyo at araro:

    kung mapangangahasan niya lamang na baakin ang kanyang bungo,

    gawakin ang kanyang dibdib:

    hayaang hiklasin ang utak niya’t puso

    at ialok sa mga mamad na bibig

    magrasang braso at kamay,

    isaplot,

    ipanganlong sa mga ugati’t mahalas na katawan…

    Ngunit ngayon, habang naglalatag ng banig ang magdamag,

    nais niyang iluwa, kasabay ng latak ng pagkalango,

    ang abo ng ulilang tala:

    lagukin ang liyab

    ng angaw na piko at lingkaw.



    Oktubre 1979

  8. #8
    LAMAY



    Sa barumbarong na kinukuyumos

    ng itim na hangin,

    isang sunog na katawan,

    halos inagnas ng kumukulong kemikal,

    ang pinaglalamayan ng mga granateng mukha.

    Wala mang mumong nakatatalilis

    sa silo ng mga yayat na daliri,

    barumbarong iyon na ayaw talikdan ang mga daga at ipis;

    at ngayon, sapagkat luksa,

    nagsasayaw ang mapuputlang dila

    sa punebre ng kape at tinapay.



    Isang karaniwang sakuna sa pabrika,

    at ang dalamhati ay di na maibalisbis ng luha:

    amarilyong pinanawan na ng sangsang,

    higit na mapusyaw kaysa ningas

    ng kandilang kumikisay.

    Sa bawat tikom na abuhing bibig,

    bumubukadkad ang mga nagdurugong ngiti,

    at tumitina, untiunti, sa burak ng gabi.



    Nobyembre 1979

  9. #9
    ANG KANILANG MGA KARAPATAN

    Kanila ang karapatang paalisin

    sa Canal dela Reina, Sunog-Apog, Tripa de Gallina,

    sa magkabilang gilig ng mga kalye’t riles:

    ang karapatan,

    ang karapatang bunitin

    sa tinubuang lupa.

    Bago ito’y tinamasa nila’t ipinagpista

    ang karapatang magtirik

    ng mga palotsinang gapok at kalawanging lata,

    mabusog sa wala

    o sa tyuyo’y magpakasasa,

    basahan ang lampinin, ilibing sa basahan;

    magkabulati’t galis, magkaeltor, magkatibi;

    maligo sa alikabok kung tag-araw, matupok,

    at kung tag-ula’y ginawin, bahain, malunod:

    sumakanila ang karapatang ihapay at isubsob, ikumunoy,

    ang karapatang butasan ng bituka’t hubdan.



    Kanila rin ang karapatang dakpin, multahan

    habang hingal-kabayo sa paghahanap ng pandisal

    sa mga bangketa’t kalsada,

    o ibilanggo;

    ang karapatang ikubli sa mga mata’t ilong-turista,

    sa nangagpapahanging limusina,

    sa mga de-pipa, de-abaniko’t de-baston,

    pagkat sila umano’y salot sa paningi’t pang-amoy

    at walang naisasampang dolyar at piso

    sa pambansang kaha de yero;

    ang karapatang pasahurin ng ilang kusing

    at pagkaraa’y tanggalin

    sa mga pabrika’t plantang lumalaklak,

    lumalaklak sa pawis nila’t dugo.



    Kanila ang karapatang sumibol, bumulas, mamulaklak

    sa dilig ng dahop na dulang,

    sa balabal ng pusali’t alingasaw,

    sa lilim ng dilim at pamamanglaw.



    Kanila lamang, at sa mga kauri, ang karapatang hiklasin

    sa sinuplingang lupa:

    ang karapatang baklasan,

    baklasan ng hininga.



    Nobyembre 1975

  10. #10
    ARAW-ARAW, NAGPIPYESTA ANG MGA LANGAW

    Kumakalam na lamesa ang binahang kalsada

    at ang buwan,

    ang buwa’y bingaw na pinggan

    nang dakutin ng paslit—

    mga matang kanina pa naglalaway—

    ang kanin,

    ang kanin sa bandehadong sapusapo ng weyter:

    tanawing sinalikop ng mga mukhang natigagal

    samantalang iyo’y napakapangkaraniwang bagay,

    tulad ng pagdaramit ng basahan,

    o panlalagas ng hininga sa bangketang higaan.

    Nanugis ang kutos

    pero nakailag ang ulo,

    at ang maliliksing paa’y pinasibad ng silbato.

    Sa isang ulilang sulok,

    nagsalusalo ang mga langaw

    sa biyaya,

    sa biyayang maramirami ding lunok.



    Hulyo 1977

  11. #11
    SAMPUNIT NA LANGIT

    Nanlilisik pa sa iyong ulirat

    ang kidlat ng magdamag,

    umaalunignig pa ang haginit ng bagyo,

    at ngayon, Linggo, mga mata mo’y pinag-uulap

    ng abuhing umaga.



    Walang talahib na nakatarak

    sa papawirin, dito: tanging dawag

    ng nagtikwas na huklubang yero,

    magrasang posteng sa kalawaka’y nakaamba;

    sumpit ng asngaw ng patay na daga;

    tiplad ng nabulabog na lusak

    na ang laging saklot ay mga katawang tayantang.



    gaya ng mga paslit

    na nagtatampisaw sa kanal,

    nag-aalmusal ng hamog,

    hubo ang ila’t ang iba’yu hubad,

    balabal ay karbon

    na winawakwak ng irit nila’t hiyaw.



    Sa lambong ng lilang alapaap,

    tanaw mo, bagamat nahihilam, ang pahalihaw

    ng mga gusgusing bisig—

    salasalabat na unday, laslas,

    paitaas, ng mga punyal—

    kung paanong ang mga iyon,

    bawat isa, ay sabik pumunit

    ng tigkakapirasong langit.



    Hulyo 1979

  12. #12
    FULL-TIME LL.B.
    Join Date
    Oct 2003
    Location
    moot court
    Ang husay naman..

  13. #13
    Bangungot

    ni Sonia Gerilya


    Ang mga puting tala
    sa bandila mo --

    limampu o higit pa --

    ay mga pananda mo
    sa aming mapa

    ngayong ikaw nga’y

    abalang-abala

    sa taimtim mong

    pagmi-memorya
    di lamang sa syensiya
    ng heyograpiya

    di lamang kung ano
    ang s’yang kabisera
    ng kung anong probinsya

    kundi lalung higit pa

    kung ilan at kung nasaan
    ang aming mga minahan

    ang aming mga taniman
    ang aming mga pagawaan.

    Kailangan mo ang mga ito,

    ang mga panandang-talang ito,

    gayong ikaw nga’y

    baliw sa mga kayamanang
    ang sabi mo sa ‘yong kabaliwan

    ay ikaw ang s’yang nagbaon,

    ang s’yang nagtanim,
    at s’yang tanging makapagpapatayo,



    ikaw na ipinagmamalaki
    ng lahat ng kapwa mo pirata.



    Ang mga pulang guhit
    sa bandila mo--
    ilan na nga ba ang mga ito?--
    ay mga rehas na nakatundos

    sa bawat kurba,
    sa bawat tadyang

    ng aming baybayin.

    Kailangan mo ang mga ito,

    ang mga rehas na ito

    (sabihin pang
    ang makamandag
    na bagnas at kalawang
    na nagpapapula sa mga ito
    ay hindi mo dugo
    kundi sa amin mismo’t

    sa aming mga ninuno)

    ‘pagkat sa mga anino nito

    naroon ka’t rumuronda,

    naroon din ang ‘yong tolda

    kung saa’y payapa ka

    sa ‘yong pagkukubli,

    binabantayan kami
    sa aming pagbibilang ng rehas

    nakaantabay sa sandali
    ng aming pagsuko sa oras.



    ikaw na di lamang pirata sa laot

    kundi isa ring pulis-sekretang kilabot.



    Ang mga puting guhit

    sa bandila mo--
    bilangin pa ito’y ‘di na mahalaga--

    ay mga piring sa aming paningin.

    Ang sabi mo’y kailangang

    kailangan namin ang mga ito,

    ang mga puting piring na ito,

    at nang di na namin makita pa
    na ang mga ito pala’y

    mas maitim pa sa itim

    ng aming mga mata.

    At sa likod ng aming mga bungo

    itinali mo nang mahigpit
    ang aming mga piring
    na ang karugtong
    na mga himulmol
    anupa’t mga dila rin namin,

    luwa ‘pagkat binanat,

    maga ‘pagkat ibinuhol,

    bulol ‘pagkat totoong
    naka-uulol ang impit

    na mga panaghoy.

    Subalit anu’t sinadya mong
    di na madamay pa,

    ilong nami’t mga tenga

    at nang sa tuwina’y

    maamoy namin nang sama-sama

    ang dahan-dahan
    naming pagka-agnas,

    sangsang na ang sabi mo’y

    sadyang di mo kaya
    kaya’t sa gabi’t sa umaga’y

    naamoy din naming

    naghihilamos ka ng alak,
    bagay na s’ya ring lilipos sa ‘yong galak
    na maya’t maya mo na lamang

    ipinaririnig sa amin

    sa palahaw ng Ingles mong halakhak,

    sa pagitan ng pag-awit mo

    sa matuling mga agunyas,
    sa iyong mga tula,
    sa iyong mga anekdota

    ikaw na hindi lamang pirata
    hindi lamang pulis-sekreta

    kundi isa ring makatang imperyalista.


    Maya-maya pa gigisingin ako
    ng panibago subalit higit

    na kaaya-ayang bangungot.

    Masasaksihan ko kung paanong

    ang hanging lagi nang kasayaw

    ng iyong mga tala at mga guhit

    ay bigla na lamang didiklap
    at tuluy-tuloy na magpapasinaya

    sa apoy ng aming pulang bandila.

  14. #14
    Mapulang Pagpupugay

    ni Lorenzo Magpunyagi


    Mula sa sinapupunan ng bayang nagpupumiglas,

    Nagpupumilit makawala sa hawlang kinasasadlakan;

    Sumibol ang pintig ng panibagong-buhay;

    Punlang ipinaglihi sa rebolusyonaryong pagpupunyagi;

    Sanggol na iniluwal sa banig ng kontradiksyon;

    Antagonismo ang nagsilbing komadrona;

    Bente-sais ng Disyembre, pumailanlang ang iyong tinig

    Hudyat ng paghihiwalay ng dalawang kulay

    Ang kulay ng pulang dugo na bumabalot sa ‘yo

    Simbolo ng kagitingan at katapangang siyang magiging tugon

    Sa panangis ng bayang nalugmok sa hirap,

    Sa kumunoy ng karalitaan.



    Araw ng iyong pagsilang ay isang hudyat

    Ng pagpasok ng rebolusyon sa panibagong yugto ng buhay

    Ipinaghele ka sa duyan ng digma

    Mga putok ng baril ang nagsilbing uyayi

    Lumaki kang taglay ang kapasyahang

    Adhika’y ipagtagumpay

    Sa iyong pagsilang, labis na nagalak ang iyong ina

    Ang amang malaon nang naghihintay

    Mga kapatid na patuloy sa pakikibaka

    Anaki’y nagkaroon ng tala sa kanilang daan

    Magsisilbing tanglaw upang hindi muling maligaw

    Ang sinimulang pakikibaka

    Ng iyong mga ninuno.



    Sa iyong paglalakbay dumaan sa iba’t ibang balakid

    Mga pagsubok na pilit mong nilagpasan

    Matatarik, at makikitid na daan

    Nariyang madapa ka, nariyang mahulog

    Sa bawa’t pagkadapa’y pilit nilalapa ng halimaw na kaaway,

    Mga buwitreng nagnanais na patuloy kang ibulid
    Sa walang hanggang pagkaalipin

    Datapuwat naririyan ang tatlong tala na sa iyo’y pumapatnubay

    Itinuturo sa’yo ang tamang daan

    Tinuturuan kang lumakad, lumangoy sa dagat

    At dahil sa iyong pagtalima sa kanilang dakilang salita

    Nanatili kang nakatindig sa harap ng mga hambalos

    Patuloy kang nagpunyagi upang manatiling bag-as

    At bantayog ng rebolusyon.



    Sa iyong kanang kamay tangan mo ang sibat

    Sandatang ginagamit mo upang gapiin ang halimaw

    Sa kaliwang kamay mo naroroon ang kalasag

    Sandata at pananggalang sa pakikibaka;
    Humayo kang taglay ang tibay at ibayong pananalig

    Na sa iyong paglalakbay kasama mo ang mamamayan.



    Ngunit sadyang ang kaaway ay hindi basta matutulog

    Hindi basta papayag na magapi sa pagtutuos

    Mula sa loob ay pilit kang winasak

    Nais agawin, iyong sibat at kalasag

    Pilit binubulag, iyong mga mata

    At mas masahol pa

    Nais ka nilang pugutan ng ulo!



    Nakaririmarim na mga balakin!

    Mga taksil sa bayan!

    Nais tayong iligaw ng landasin

    Isadlak sa karimlang walang hanggan!

    Salamat at naging matalino ka

    Nakita mo ang “sakit” na dumapo sa katawan

    Kalawang na nais sumira sa bakal ng kapasyahan

    Dahil sa IDKP nalamapasan mo ang kritikal na yugto ng iyong buhay.



    Mula roon ay patuloy kang naglayag sa laot

    Higit na matatag, higit na matibay

    Kapasyahang isulong ang rebolusyon

    Handang harapin ang bagong hamon

    Lagi na’y katuwang mo ang masa

    Sa pagsulong sa ulan tuwing may unos

    Sila ang walang kupas na tala ng iyong buhay,

    Ang kabuuan ng iyong buhay.



    Sa araw na ito muling gugunitain

    Ang dakilang araw ng iyong pagsilang

    Muling babaybayin ang landas na iyong tinahak

    Iwawagayway ang pulang bandilang taglay ang maso at karet

    Sagisag ng iyong katapatan at kagitingan;
    Ipagdiriwang ang iyong mga tagumpay.

    Sisigaw ang buong hanay:

    Mabuhay ang PKP! Mapulang pagpugay sa iyong pagsilang!!!

  15. #15
    Kawayan

    ni Mayang Algarme


    Mula sa maliit

    sisibol ang berdeng talbos.
    (May panimulang pagpunla
    Mula sa ilang dakilang kaluluwa)
    Hindi mo makikita ang siglo ng buhay at kamatayan
    sa ilalim ng lupa
    (Pero ramdam mo ito, Kasama
    Nagtitipon ng lakas
    Tahakin ang landas, mangahas
    Sa matagalang digmang bayan)
    Mula sa mahina
    unti-unting tumatatag
    hangga’t sa nagiging matibay
    tanyag ang kanyang pagiging
    bunga ng mahabang panahon.
    (May muog na gumagabay
    Sa bawat pagkilos)
    At pagharap sa mapait na pagsubok ng
    hangin, ulan, araw.
    (Sa kontradiksyon
    Ay may pag-unlad)
    Tumitindig ang kawayan sa malakas na unos ng bagyo
    sa pamamagitan ng pagyuko.
    (Tulad ng rebolusyon
    Tulad ng tunay na rebolusyonaryo.)

  16. #16
    Rekoberi

    ni Myra Algarme


    Pagkatapos ng bagyo:
    Kumusta ka na, ama?
    Ang pagal mong mga mata ay nanood
    habang nagtipon ang unos sa himpapawid
    at binuhos ang kanilang poot
    sa lupang kinabubuhayan.
    Ang mga niyog na nanampalataya
    sa mga umaga ng kalayaan
    ay buwal na.


    Kinakalyong mga daliri ang nakakaalaala
    sa pagbungkal ng pulang lupang tadtad
    ng mga anak ng bulkan
    mula pa sa nakalimutang panahon.


    Hindi kaya’t gulong lamang, ika’y nagtaka,
    o di kaya’y buhay
    na inaruga ng lupang tinubigan
    ng pawis, dugo, luha,
    at ang mga punong tumutubo dito
    ay pinataba ng mga panaginip
    na ang mga umaga at ang lupa
    ay para sa panahong darating pa,
    pagka’t ang pasya ay nasa mabagal at
    malakas na buhay na pangako ng lupa.


    May mga tibok kung saan umuuwi ang tubig
    sa pinakakaluluwa ng mundo
    at ang araw ay walang patawad kung humingi.


    Panahon kung saan ang dugo ng lupa
    ay bumalik upang yanigin
    at anurin ang mga bagnas ng ala-ala.


    Ngunit palagi
    palaging nakapula ang pangarap

    upang arugain ng matiyagang kamay

    at walang uring mga panaginip.



    Bumalik ka sa mga nananampalataya
    sa umaga, ama,
    na ang mga anak ay hihigitan ang mga tibok ng mundo
    na ang mga ala-ala ay bigat ng di-mabilang na salinlahi
    na ang mga dasal ng paglaya ay sa iyo rin.


    Kapag nilakbay ng mga paa mo
    ang mga bakas at bagnas,
    tandaan kung saan nanggaling para malaman
    kung saan ka papunta.


    At nang pagkatapos ng bawat unos
    (at kahit sa hagupit ng bagyo)

    ay may buhay

  17. #17
    Language of Reality

    by Mary Gene Dumaplin*

    *Si Kasamang Mary Gene Dumaplin —kilala rin bilang si Ka Tingting/Gina/Martin —ay nagtapos sa UP-Visayas at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan sa Panay noong 1995. Nasawi siya sa edad 29 nang lusubin ng pasistang militar ang isang kampo sa Sebaste, Antique noong Setyembre 30, 1998.


    They speak of distance

    In hours to walk

    Or in the length
    Of bamboo poles.

    Not in units of measurement.



    They talk of space

    In units of how many chupas

    Or gantas of palay seeds
    Can fill the land.

    Not in acres.



    They talk of red-letter days

    In terms of full moons and

    Harvest seasons.

    Not calendars.



    They talk of time

    By the angles of shadows.

    Not by wall clocks

    Or wristwatches.



    They name places after objects

    And events easy for them

    To describe, and close for them

    To remember.



    They tell of colors
    In association with flowers

    And butterflies.

    Not by established names

    Artists have known.



    They talk of love

    In the silence of emotion.

    Not through love letters,

    Chocolates and roses.



    They talk of peace

    In the midst of a raging war:

    That there can’t be one

    Without a protracted

    People’s war.

  18. #18
    Walang Pag-aari

    ni Sikhay Laya


    Sa ayaw mo man at sa gusto

    Ikaw ay pupunta sa pamilihan

    Magbebenta ka ng lakas at talino

    Sa isang mayamang namumuhunan

    Na naghahanap ng mga katulad mo

    Na sa kanya’y handang manilbihan



    Pagkat ni anuma’y wala kang pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha’t magsilbi.



    Sa ayaw mo man at sa gusto

    Katumbas ng nais nilang presyo

    Ikaw ay lalagda sa kontrata

    At sa loob ng walong oras o higit pa

    Kasama ng iyong lakas-paggawa

    Ika’y buong-buo na pag-aari nila



    Pagkat ni anuma’y wala kang pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha para sa may-ari.



    Sa ayaw mo man at sa gusto

    Anuman ang iutos, kailangang sumunod

    Gaano man ang hirap at bigat nito

    Sobrang liit man ng sinasahod

    Kumpara sa yamang nagagawa mo

    Walang karapatang magreklamo



    Pagkat ni anuma’y wala kang pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha ng marami.



    Sa ayaw mo man at sa gusto

    Di man makaya’t tuluyang sumuko

    Sukdulang umalis sa iyong trabaho

    At muling magsikap maghanap ng bago

    Tanging masusumpungan mo’y

    Kamukha rin ng walang-awa’t suwapang mong amo



    Pagkat ni anuma’y wala kang pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha para sa kanilang uri.



    Sa ayaw mo man at sa gusto

    Ganito rin ang mangyayari

    Sa magiging anak mo at apo

    At sa susunod pang mga salinlahi

    Tulad ng dinanas ng mahal mong magulang

    Sa pagkaalipin iyong pinalitan



    Pagkat ni anuma’y wala kang pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha’t magparami.



    Sa ayaw mo at sa gusto

    Ang lipunang ito’y hindi para sa ‘yo

    Ngunit ikaw na bumubuhay dito

    Ay di habambuhay na magiging api.

    Kapag ang pasya mo’y makapangyari

    Ang hukbo ninyo’y walang pagkagapi



    Pagkat ni anuma’y wala kayong pag-aari

    Kundi kakayahang lumikha’t makipagtunggali.



    Kaya sa ayaw at sa gusto nilang naghahari

    Kapag ang uri mo’y naghangad lumaya

    Walang imposible, lahat magagawa

    Pamumunuan n’yo ang lahat ng dukha

    At sa taglay ninyong lakas at talino

    Mundo’y babaguhin pati na ang tao



    Walang pag-aari, wala kahit ano

    Kundi kakayahang lumikha ng bago.

  19. #19
    Sa Ama’t Inang Nagmamahal

    ni Sikhay Ken




    Ama’t inang mapagmahal

    Kayong nagluwal at nag-aruga sa inyong anak

    Kayong nagpakasakit sa pagpapalaki

    Kayong nagturo sa kanya kung paano maging matatag
    Sa gitna ng kahirapa’t mga pagsubok

    May pagkukulang ba at ngayon kayo’y kanyang iiwan?

    At di ninyo maatim na ang susuungin niya

    Ay isang marahas na pakikibaka sa kanayunan?



    Ngunit malulubos ba ang kaligayahan

    Sasagana ba ang kabuhayan

    Kung anak ninyo’y di lilisan?

    Hindi katumbas ng paglayo ng inyong anak

    Ang pagwaksi at paglimot

    Bagkus ito’y walang katumbas na pagtatangi

    Sa inyo at sa bayang mahal.



    Huwag mangambang anak ay mangungulila

    Sapagkat sa paroroona’y libo pang mga magulang

    Ang handang kumupkop at lubos ang pagkalinga

    Gayundin, hindi kayo mawawalan

    Bagkus ay masusuklian ng libo pang mga anak

    Na binigkis ng digmang bayan.

  20. #20
    Sa Aking Panganay

    ni Ka Pinay




    paano ko maipauunawa sa kanya

    kung bakit ako nabubuhay kasama ang libu-libo

    mga taga-bundok, mga magsasakang walang lupa’t kapalaran
    mga obrerong pagod, mga kabataang walang-kapagurang naghahanap,

    mga propesyunal na ang suweldo’y di rin sapat?



    paano niya makikita ang aking nakikita
    ang luha at dugo ng daantaon?

    paano niya maririnig ang aking naririnig

    ang kalam ng sikmura, ang taghoy ng galit?


    paano ko siya mapapaniwala na ang buhay ay nilulubos

    ‘di para sa sarili o sa sariling pamilya lamang

    kundi para rin sa mga naghihikahos at pinagkakaitan
    upang sa gayon, sila rin ay mabuhay at ‘di lamang tawaging buhay?
    paano ko maiapauunawa sa kanya
    na ang kalayaan ay ipinaglalaban at hindi ibinibigay

    na ang kapayapaan ay inihahatid ng digmaan

    na ang dagat ay inaaburido ng alon

    na may kapanatagan pagkatapos ng unos at lindol

    na siya mismo ay madugong umalpas sa aking sinapupunan?


    paano ko maipadarama sa kanya

    ang dalamhati ng isang batang ina

    na pilit na inilayo sa kanyang unang sanggol

    nang ibaba ng pasista ang batas militar?

    paano ko maipadarama sa kanya

    ang pagkabalisa at kabiguan ng isang batang asawa

    sa nakalilitong balita tungkol sa kasama’t kabiyak?
    paano ko maipadarama sa kanya

    ang labingwalong taong pangungulila ng isang ina

    sa kanyang panganay na anak at dugo?

    paano ko maipadarama sa kanya

    ang galak at pagkakuntento kapag siya’y aking kasama

    ang kawalan at kawalang-katiyakan kapag kami’y nagpapalaman?



    ipinaalala n’ya sa akin ang isang pangako

    na siya’y aking babalikan
    tinanong niya kung gaano katagal, inisip niya kung bakit ganoon katagal.

    nakita ko at nadama ang kanyang dalamhati



    kung gayon, isusuko ko ba ang aking paninindigan

    tatalikuran ko ba ang aking panata
    kapalit ng aking anak at ng kanyang mga kapatid?



    ngunit paano ko haharapin ang daigdig?

    paano ko haharapin ang buhay?

    at ikaw, paano kita haharapin?

    pagkat kapag nagkaganon, anak, hindi na ako
    ang inang nakilala mo



    paano ko sasabihin sa kanya

    na ang kalooban ko’y namamayagpag pa rin at di pa napapagod

    para sa kalayaang kay tagal ko nang ipinaglalaban?



    paano ko sasabihin sa kanya

    na sa aking pagbabalik

    hatid ng ngiti ko’t tingin ang tagumpay

    habang masigabong naghihiyawan at nagpapalakpakan ang sanlaksa

    para sa natamong kalayaan?



    ngunit paano ko rin sasabihin sa kanya

    na maari ngang hindi ako lubos na palarin

    upang maabutan ko ang katuparan ng lahat ng ito?

    paano ko sasabihin sa kanya

    na sadyang ganon ang buhay

    sapagkat ‘di biro, bagkus dakila ang hinihiling na alay ng rebolusyon?

Page 1 of 2 1 2 LastLast

Posting Permissions

  • You may not post new threads
  • You may not post replies
  • You may not post attachments
  • You may not edit your posts
  •  


Hot Topics

SHOWBIZ:

Vice Ganda to undergo operation to remove polyps from his throat

Vice Ganda to undergo operation to remove polyps from his throat

read more
SPORTS:

El Clasico: Real Madrid brilliant in 3-1 victory over Barcelona

El Clasico: Real Madrid brilliant in 3-1 victory over Barcelona

read more
PBA:

Ginebra thrashes Kia in Lucena City, 87-55

Ginebra thrashes Kia in Lucena City, 87-55

read more
NMFtv:

Mo Twister welcomes back Guji Lorenzana, as he shares his exploits on Tinder among other things

Mo Twister welcomes back Guji Lorenzana, as he shares his exploits on Tinder among other things

read more
TV:

Join the 'I Do' discussion thread!

Join the 'I Do' discussion thread!

read more
CHIT CHAT:

Got any questions about the PBA? Ask Iron Coach!

Got any questions about the PBA? Ask Iron Coach!

read more